Date post: | 29-Jul-2015 |
Category: |
Documents |
Upload: | david-michael-san-juan |
View: | 2,780 times |
Download: | 9 times |
LANGUAGE BEHAVIOR SKETCH NG MGA PILIPINONG MAG-AARAL: ISANG DULOG SA PEG-REVISIT SA IMPLEMENTASYON
NG PATAKARANG PANGWIKA SA EDUKASYON1
Language Behavior Sketch of Filipino Students:An Approach in Revisiting Language Policy
Implementation in Education
Jomar I. EmpaynadoSenior Language Researcher
Information and Publication DivisionKomisyon sa Wikang Filipino
Abstract
Bilang panimulang hakbang sa pagtugon sa kahingian ng modernisasyon kung ang konteksto ng pag-unlad sa ika-20 siglo ang pagbabatayan at sukatan ng katatagang politikal ng bansa, nakita ng mga bansang papaunlad ang kahalagahan at pangangailangan sa paglutas ng kanilang mga suliraning pangwika, gaano man ito kahirap o kasalimuot (Fonacier-Bernabe, 1978). Sa hindi maiiwasang pagkakataon, kinakailangan nilang makabuo ng kapasyahan kung aling [mga] wika ang marapat gamitin sa edukasyon, tunguhing pangkalakalan, at ugnayanang pampamahalaan. Totoo ang senaryong ito sa Pilipinas yamang pinagtatalunan pa rin ang kabisaan ng Filipino at English bilang midya ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon. Ang ganitong mga debate sa kung anong wika ang pinakaangkop sa pagtuturo at pagkatuto sa iba’t ibang lawak pangnilalaman, na kadalasang limitado lamang sa Filipino at English, ang nagbigay-daan sa pagsusulong sa gamit ng katutubong wika sa lalong paghubog / pagkatuto ng mga mag-aaral. Gayumpaman, ang pagbalikwas, kundi man ganap na pag-abandona, sa Patakarang Edukasyong Bilingguwal patungong Edukasyong Multilingguwal na batay sa Katutubong Wika (MTBMLE) ang nagbunsod sa ibayong pananaliksik hinggil sa language behavior ng mga Filipinong mag-aaral na pangunahing clientele / stakeholder ng mga ganitong reporma, at hindi puro esperimentasyon lamang. Sa pamamagitan ng pagtukoy at pagtataya sa kanilang kaalaman, saloobin, at motibasyon sa gamit ng wika, maaaring makabuo ang mga eksperto sa pagpaplanong pangwika ng mga angkop na palatandaan ng tagumpay (minsan ay kabiguan) ng isang partikular na patakarang pangwika. Tinatangka ng papel na ito na mailarawan ang kagawiang pangwika ng mga Filipinong mag-aaral batay sa kanilang kaalaman, saloobin, at motibasyon hinggil sa implementasyon ng patakarang pangwika, lalo sa mga isyu sa midyum ng pagtuturo. Gayundin, nais matugunan ng papel na ito ang pangangailangan sa pagtataya sa kognisyon ng mga mag-aaral kaugnay sa gamit ng wika bilang lunsaran ng mga pamantayan sa pagbubuo ng patakarang pangwika na ipinakita sa mga pag-aaral nina Sibayan at Segovia (1980), Pascasio (1980), Villacorte (1990), Ferma (1988), Casanova (1989), at Espiritu (2004).
1 Papel na binasa sa 3rd International Conference on Filipino as Global Language, CSB International Convention Center, Agosto 3-5, 2012.
2
Fonacier-Bernabe (1978) posited that in order to meet the demands of modernization in the context of twentieth century concepts of progress, and to effect a measure of political stability within the country, developing nations found it necessary to solve their language problems, however painful or difficult, as one of the initial task. Inexorably, they had to make a decisive choice as to the language(s) to be used in their elementary and secondary schools, universities, business pursuits and governmental affairs. This scenario is true since the effectiveness of Filipino and English language as media of instruction in the Philippine education system is in question. Such debates on what language suits best in teaching and learning various content areas, which was usually limited in Filipino and English, paved way to push the use of mother tongue to develop better learners. However, the shift, if not abandonment, of Bilingual Education Policy to Mother Tongue-Based Multilingual Education calls for further researches focused not only on experiments but on the language behavior of Filipino students who are the primary clientele / stakeholder of such reform. By identifying and assessing their knowledge, attitude, and motivation towards language use, experts in language planning [may] determine plausible indicators for the success (sometimes failure) of a particular language policy. This paper attempts to draw the language behavior sketch of Filipino students based on their knowledge, attitude, and motivation towards the implementation of the language policy, specifically on the issue of medium of instruction. This paper also addresses the need for assessing students’ cognition on language use in benchmarking standards in crafting language policy laid down in the previous works of Sibayan and Segovia (1980), Pascasio (1980), Villacorte (1990), Ferma (1988), Casanova (1989), and Espritu (2004).
Panimula
“May mga bagay-bagay na dapat huwag nang bigyang-diin ng mga
pinuno o tagapagtaguyod ng wikang Filipino para mas mabigyang-tugon
ang mahigpit na pangangailangan sa pagpapaunlad ng wikang Filipino.
Halimbawa, ang mga tagapagtaguyod ng Filipino ay dapat tumigil na
muna sandali sa pag-uukol ng panahon sa mga pamamaraan o methods of
teaching.”
- B. P. Sibayan (1990)
Kung tutuusin, ang suliraning kakabit ng development ng wikang Filipino, ay hindi lamang sa paghalili
nito sa English sa mga controlling domain ng wika; kundi sa pagtanggap sa wikang ito [na patuloy na
sinisikap gawing intellectually modernized language] bilang ‘di sapat na wika’ para sa mga layunin o
3
tunguhing intelektuwal at modernisado (Sibayan, 1987; Otanes at Sibayan, 1969, Gonzalez at
Sibayan, 1988).
Palibhasa, masyadong nagtuon sa development ng wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa
lahat ng antas ng edukasyon, mula batayan hanggang pamantasan, ang mga pagsisikap ng mga
Filipino sa intelektuwalisasyon (Alisjahbana, 1969; nasa Sibayan, 1991).
Pero sa kabila ng mga pagsisikap na mapayabong ang Filipino, mayroon pa ring nakadarama ng
negatibong saloobin sa wikang ito. Halimbawa, noong 2011 ay isinulat ni Michael James Soriano na
pinamagatang ‘Language, Learning, Identity, Privilege’2 at sinabi niyang ‘Ingles ang wika ng
pagkatuto, na ang Filipino ang wika sa labas ng klasrum ― ang wika ng lansangan.’ Totoong ‘tumabo’
ito ng samu’t saring batikos. Hindi ko masisisi si G. Soriano sapagkat inilahad lamang niya ang
realidad patungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng wikang Filipino, lalo na nang tapusin niya ang
kaniyang artikulo:
“For while Filipino may be the language of identity, it is the language of
the streets. It might have the capacity to be the language of learning, but
it is not the language of the learned… It is neither the language of the
classroom and the laboratory, nor the language of the boardroom, the
court room, or the operating room. It is not the language of privilege. I
may be disconnected from my being Filipino, but with a tongue of
privilege I will always have my connections. So I have my education to
thank for making English my mother language.”
Kung pepersonalin, may kirot na matutungkab sa kaniyang mga salita, sa kaniyang pananaw. Subalit
kung mamimilosopiya at ipoproseso, ito ang masakit na katotohanan na dapat harapin lalo pa’t
minamarkahan ngayong 2012 ang ika-75ng taong pagkakaproklama sa Tagalog bilang batayang wika
ng wikang pambansa (Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, s. 1937) noong 1937.
Ang binanggit na saloobin bahagi ng kaniyang kabuuang kagawiang pangwika ay hindi kusang
umusbong, kundi hinubog ng mga salik kaakibat ng kaniyang kapaligiran at karanasan bagay na
maaaring maging lunsaran ng pananaliksik upang ma-evaluate ang ilang umiiral na patakarang at
programang pangwika sa Pilipinas.
2 Soriano, James Michael. (2011). Language, learning, identity, privilege. Manila: Philippine Daily Inquirer.
4
BATAYANG TEORETIKAL SA PAGLALAPAT
1. Ang Pagkakabuklod ng Kultura, Wika at Kahusayang Akademiko sa Konteksto ng Edukasyon
(Diaz-Rico at Weed, 1995)
Ang pagkakabuklod ng kultura, wika at kahusayang akademiko sa konteksto ng edukasyon tungo sa
pagtatamo ng pagkatuto, pag-iral ng instruksyon upang dumaloy ang pagkatuto at ang pagkakaroon
ng mabisang palisi upang patnubayan ang mga hakbanging akademiko.
Figure 1. Ugnayang Wika, Kultura, Kahusayang Akademiko (Diaz-Rico at Weed, 1995)
Kapansin-pansin sa paradimang ito na ang pagkatuto (learning) ang siyang umuukopa ng sentral na
lawak na nahahati naman sa dalawang dibidsyon: ang mga domeyn ng pagkatuto at mga salik sa
pagkatuto. Sa puntong ito, tatlong domeyn ng pagkatuto ang sinaklaw nina Diaz-Rico at Weed –
kinabibilangan ito ng kultura, wika at nilalamang pang-akademiko. Samantala, kinikilala naman ang
proseso sa pagtatamo ng wika, sikolohikal at sosyolinggwistik na impluwensya, at estruktura ng
wikang pinag-aaralan bilang mga salik na isasaalang-alang sa pagkatuto. Binigyang-diin sa
paradimang ito na sa loob ng kontekstong kultural, lahat ng pagkatuto ay naaapektuhan ng
pagtuturo (instruction) at palising ipinapatupad. Ang pag-unawa sa kalikasan at pag-uugnayan ng
5
mga nabanggit na domeyn at salik ay pawang makatutulong upang matamo ng mga guro ang mga
pangangailangan ng indibidwal na mag-aaral.
Ang pagtuturo ang ikalawang pangunahing lawak ng paradima na nagsasaayos ng kaalaman hinggil
sa wikang pinag-aaralan ng mga mag-aaral. Ang mga katawagang sumasapo sa konseptong
nabanggit ay ang kurikulum at metodong ginagamit sa loob klasrum. Tinitiyak ang nilalaman ng
kurikulum sang-ayon sa iba’t ibang lebel (na maaaring sa pamamagitan ng estado, distrito, paaralan
at klasrum kung ang perspektibo ay pambansa; pero sa pag-aaral na ito, nilimitahan lamang ng
mananaliksik ang daloy na magsisimula sa mga administrador ng paaralan [sa pamamagitan ng palisi]
pababa sa mga guro o propesor [tungo sa implementasyon nito]) at maaaring bigyang-kahulugan sa
iba’t ibang paraan ng mga guro at mag-aaral. Sa kabilang banda, ang metodo naman sa paradimang
ito ay tumutukoy sa mga kaparaanan sa pagsasakatuparan ng nilalaman ng kurikulum. Sa
kontekstong lokal, iminimungkahi ng paradimang ito na ang pagtuturo ng anumang wika ay
maaaring mahati sa tatlong kategorya: ang programa sa Pagtuturo ng Wikang Filipino (Filipino
Language Teaching o FLT) / Pagtuturo ng Wikang Ingles (English Language Teaching o ELT); ang
sheltered instruction o iyong specially-designed na pagtuturong pang-akademiko at ang mga
pangunahing wika bilang midyum ng instruksyong nakabatay sa modelo ng edukasyong bilinggwal.
Ang palisi o patakaran ang ikatlong lawak ng paradimang ito. Kinakatawan ng palisi ang
organisasyon at pamamahala ng paaralan, na itinuturing din bilang mga elementong nakaaapekto sa
operasyon nito. Ang palisi ay maaaring top-down driven kung nagsisimula ito sa antas pambansa
pababa sa lokalidad nito. Samantala, maaari rin itong bottom-up driven na masusumpungan sa mga
pang-araw-araw na pagpaplano ng guro.
Dahil sa nakaaapekto ang palisi sa mga gawain at hakbanging pampaaralan, higit na mauunawaan ito
kung titingnan ang sumusunod: ang kaligiran, ang impluwensya at kapakinabangang dulot ng kultura,
ang mga wikang nagsisilbing midyum ng instruksyon at ang mismong nilalaman ng palisi.
Bukod sa mga nabanggit, ang mga praktika sa pagtataya (assessment) ay nakaiimpluwensya sa
pagtuturo at pagbubuo ng mga palisi; at bilang balik, ang pagkatuto ay naiimpluwensyahan ng
pagtataya. Ang pagtataya sa mga mag-aaral ay isang paraan ng pagtiyak kung angkop ang nilalaman
ng kurikulum at kung ang mga metodong ginamit sa pagtuturo ay matagumpay o mabisa. Sa
pamamagitan din ng pagtataya, natutukoy ng sinumang kabilang sa akademikong komunidad kung
ano at gaanong pagkatuto ang naganap. Bukod sa placement ng mga mag-aaral, nagagawa rin ng
6
pagtataya na maimpluwensyahan ang organisasyon o kaayusan at pamamahala ng paaralan. At
gayon din, sinasaklaw rin nito, hindi lamang ang mga isyu sa pagtuturo at pagkatuto, kundi maging
ang mga isyu kaugnay ng palisi.
2. Language Awareness (James at Garret, 1991; Donmall, 1985; James at Peter; 1991; Tucker;
1998)
Ang language awareness (LA) ay isang katawagang makatutulong sa pagbubuo at pagpapalawak sa
hanay ng mga akademiko at pedagohikal na konteksto. Ang National Council for Language in
Education (NCLE) ay nagbigay ng higit na payak na kahulugan ng language awareness. Anila:
“Language Awareness is a person’s sensitivity to and conscious awareness of the
nature of language and its role in human life (Donmall, 1985:7).”
Mula rito, binigyang-pansin ni Hawkins (na kina James at Garrett, 1991:4) ang mga layunin ng
language awareness. Layunin ng LA na: (a) maiugnay ang pagbabago sa pag-aaral ng wika mula sa
edukasyong primarya patungong sekundarya; (b) mapag-ugnay-ugnay ang iba’t ibang lawak ng
edukasyong pangwika (English as Mother Tongue, Foreign Language, English as Second Language at
Community Languages); (c) makapagbigay ng paghahanda para sa Child-care Courses sa ikaapat at
ikalimang taon ng edukasyong sekundarya; (d) mapangasiwaan ang talakayan hinggil sa linguistic
diversity; at (e) madevelop ang kasanayan sa pakikinig, kasama na ang pagbasa at motibasyon sa
pagsulat.
Buhat sa NCLE Report (sa panulat nina James at Peter, 1991:4), natuklasan na nakatutulong ang mga
programa ng LA sa iba’t ibang pokus o gampanin tulad ng: (a) ginagawang malinaw ang mga
pahiwatig na kaalaman (intuitive knowledge) ng mga estudyante ukol sa kanilang mother tongue
(MT); (b) pinauunlad ang kasanayang pangwika at pinagtitibay ang pagiging epektibo ng
komunikasyon sa MT o FL; (c) tinatanaw sa positibong paraan ang lalong paglaganap ng linguistic
diversity sa silid-aralan; (d) pinagtitibay ang magandang relasyon ng mga etnikong grupo sa loob at
labas ng paaralan; (e) tinutulungan ang mga estudyante na mapagtagumpayan ang mga disbentahe
ng pagkakaiba ng wika sa bahay at sa paaralan; (f) ipinakikilala sa mga estudyante ang mga konsepto
at teknik ng panimulang linggwistika; at (g) nakapagbibigay ng pagkaunawa sa kahalagahan ng wika
bilang bahagi ng buhay ng tao.
7
3. Kahusayang Pangwika at Pagtatamo ng Akademikong Pagtatagumpay (Cummins, 1979, 1981,
2004; R. Shuy, 1978; Skutnabb-Kangas at Toukomaa, 1988; Richard-Amato, 1988, 2001)
Ang ipinakilalang pagkakaiba sa pagitan ng paimbabaw na katatasan (surface fluency) at kaalamang
konseptwal-linggwistik (conceptual-linguistic knowledge) ay binigyang-bihis ni Cummins (1979)
bilang Basic Interpersonal Communicative Skills (BICS) at Cognitive-Academic Language Proficiency
(CALP). Sa mga katawagang binanggit, ipinaliwanag niyang ang BICS ay sumasaklaw sa mga
manipestasyon ng kahusayang pangwika sa pang-araw-araw na komunikatibong konteksto;
samantalang ang CALP ay binuo upang katawanin ang manipulasyon ng wika sa
dekontekstuwalisadong sitwasyong akademiko.
Simula nang mabuo ang ganitong konsepto, nailapat ang pagkakaibang ito sa malawak na saklaw ng
sitwasyong teoretikal at edukasyunal. Halimbawa, ginamit ang pormulasyong ito upang tuligsain ang
pananaw ni Oller (1979) na nagsabing mayroong isang global na dimensyon na makapagpapaliwanag
ng pagkakaiba-iba ng kahusayan sa wika ng lahat ng indibidwal; gayundin ang pagbibigay-diin sa
anumang bunga ng paggamit ng L2 BICS patungong L2 CALP sa pagtatayang sikolohikal at mga
sitwasyon sa edukasyong bilinggwal.
Kaakibat nito, ang malaking pagkakaiba ng BICS at CALP ay ipinaliwanag ni Cummins sa pamamagitan
ng metapora ng iceberg na hinalaw niya sa paradima ni Roger Shuy (1978, 1981), nasa Richard-
Amato (1988). Ginamit ni Shuy ang metaporang ito upang i-highlight ang malaking pagkakaiba sa
pagitan ng nakikitang aspekto ng wika (visible, quantifiable, formal) at ng bahagyang di-nakikita at
bahagyang madaling masukat na aspektong may kaugnayan sa semantik at kahulugang fangksyunal
(pragmatic aspect of profiency). Nilinaw ni Shuy na kadalasan sa pagtuturo ng wika (maging sa unang
wika man o ikalawang wika) ay nagtatangkang linangin ang fangksyunal o komunikatibong
kahusayan sa pamamagitan ng pagtutuon sa mga paimbabaw na anyo (surface forms) sa kabila ng
katotohanang ang direksyon ng pagtatamo ng wika ay nagmumula sa mas malalim na
komunikatibong pagkamagagamit ng wika patungong paimbabaw na anyo.
Samantala, ang mga isinagawang pagsusuri ni Shuy (1978, 1981) ay maaaring tanawin bilang
pagpapalawak o elaborasyon ng ilang linggwistikong realisasyon ng pagkakaiba ng BICS / CALP. Si
Chamot (1981) at Skinner (1981), nasa Richard-Amato (1988), ay nagmungkahi na ang mga
kognitibong aspekto ay maaaring palawakin sang-ayon sa Bloom’s taxonomy ng mga layuning pang-
8
edukasyon. Bilang pagtitiyak, nilinaw nina Chamot at Skinner na ang paimbabaw na lebel (surface
level) ay kinabibilangan ng: kaalaman (knowledge), ang pag-alala ng ilang bagay na natutuhan;
komprehensyon (comprehension), ang paggagap sa batayang kahulugan nang hindi ito iniuugnay sa
ibang materyal; at paglalapat (application), ang paggamit ng mga abstraktong konsepto sa mga
kongkretong sitwasyon. Samantala, ang mas malalim na lebel ng kognitibo / akademikong
pagpoproseso ay kinapapalooban naman ng: pagsusuri (analysis), ang paghihimay-himay ng isang
kabuuan sa mas maliliit na bahagi nang sa gayon ang kaayusan ng mga elemento ay malinaw;
sintesis (synthesis), ang paglalagay ng mga elemento sa isang kaisahan; at ebalwasyon (evaluation)
paghusga sa kasapatan ng mga ideya o materyal tungo sa pagbibigay ng tiyak na kahalagahan.
Iminumungkahi lamang nito na ang modelong ito ay hindi isang tumpak o perpektong modelong
magpapaliwanag ng kahusayang pangwika. Sa halip, ipinapahiwatig nito ang mga serye ng
magkatulad na distinksyon na konsistent sa mga natuklasan ng pananaliksik at nakapagbibigay ng
heuristikong kahalagahan sa mga edukasyong pangwika. Ang mga pangunahing puntong
kinakatawan ng pagkakaiba ng BICS at CALP na kadalasang isinasantabi ng ibang edukador ay
maituturing na higit na makabuluhan sa kognitibo at akademikong paglago ng mga mag-aaral sa
halip na magpokus na lamang sa palagiang manipestasyon ng paimbabaw na lebel ng kahusayan sa
wika sapagkat dapat isaalang-alang na hindi lahat ng mag-aaral ng isang paaralan ay may
magkakatulad na katutubong iba.
Figure 2. Ang Paimbabaw at Mas Malalim na Lebel ng Kahusayan sa Wika
9
4. Saloobin at Motibasyon: Mga Salik Pandamdamin sa Pagkatuto, Pag-aaral, Paggamit ng Wika
Ang emosyunal na bahagi ng gawi ng tao o human behavior ay kaparaanan niya upang makapagtamo
o padaluyin ang kamalayan sa wikang sinasalita sa kanyang komunidad. Ayon nga kina Diaz-Rico at
Weed (1995), ang affective domain ng isang indibidwal ang nagpapahintulot sa kanya upang maging
mulat sa kanyang kapaligiran at tugunan ito ng angkop na damdamin na masisilayan sa kanyang
pagkilos. Ang dimensyong pandamdamin (emotional dimension), anila, ang makatutulong sa
pagtukoy kung papaano nagaganap ang pagtatamo ng wika at paggamit nito sa komunikasyon. At
bilang pagtitiyak, ang mga nakapaloob na konsepto sa dimensyong ito ay maaaring nagpapakita sa
kakayahan ng isang gumagamit ng wika na makilahok o hindi sa mga talastasang nagaganap sa
kanyang komunidad, gayundin ang mahadlangan ang mga ito sa pagpapalago ng mga kakayahang
pangwika.
Kabilang sa dimensyong ito ang saloobin o atityud ng isang indibidwal sa wikang ginagamit nito.
Bilang isang salik, kritikal ang papel na ginagampanan ang saloobin sa paggamit ng wika. Sa pag-aaral
ni Richard-Amato (1988), na kina Diaz-Rico at Weed (1995), nakaaapekto sa mag-aaral ang
sumusunod:
Ang pansariling saloobin. Kinabibilangan ito ng kognisyon hinggil sa pansariling kakayahan
sa kabuuan. Halimbawa nito ay ang kakayahan sa pagkatuto ng wika at ang kakabit nitong
tiwala sa sarili (self-esteem).
Ang saloobin sa paggamit ng wika at sa mga indibidwal na gumagamit ng wika. Ito ay
bunga ng karanasan at impluwensya ng mga tao sa kanyang dagliang kapaligiran o
immediate environment. Ang mga taong nabanggit ay kinabibilangan ng kanyang mga
significant others tulad ng magulang at kaibigan. Ang negatibong pagtingin o reaksyon, ang
paniniwala halimbawa sa ginagampanan ng wika at ng gamit nito, ay kadalasang bunga ng
de-kahong pagtingin (stereotype) o ng mga negatibong karanasan gaya ng diskriminasyon.
Ang saloobin sa guro at kapaligiran. Mayroon itong malaking papel na ginagampanan sa
pagtatagumpay ng mga mag-aaral sa pagkatuto ng wika sa paaralan. Hindi maitatanggi na
malaki ang impluwensyang naidudulot ng pamilya sa pagdebelop ng positibong saloobin ng
isang mag-aaral sa kanyang paaralan. Kung kaya’t mula rito, masasabi na
naiimpluwensiyahan din ng mga ito ang pagtatagumpay ng nasabing mag-aaral. Sa pag-aaral
10
ni Ogbu (1978), nakita niyang dahil sa mayroong katangi-tanging kultura ang bawat pamilya,
maaari itong bitbitin ng isang mag-aaral sa pagkakataong tumuntong siya sa kanyang
paaralan. Tulad ng iba, maaari kasi niya itong bigyang-diin nang sa gayon ay makatutulong
ito sa kanya upang maipakitang iba siya sa karamihan. Bunga nito, nagagawa niyang
ihambing ang kanyang kultura na nakapangyayaring uri ng kultura (dominant culture) at
iangkla ito sa kanyang kagawiang pangwika nang sa gayon ay maitangi ang kanyang
kinabibilangang pangkat bilang mga tiwalag sa pangkat pangwikang kinakatawan, kundi man
ay tiwalag sa uri ng wikang ipinatutupad ng paaralang kanyang pinapasukan. Tulad ni Ogbu,
si Nieto (1992) ay nagsagawa rin ng katulad na pag-aaral at natuklasan nilang ang ganitong
pagtanggi sa anumang itinuturo ng paaralan dahil sa pagkakaroon ng negatibong saloobin ay
naipapakita bilang isang anyo ng politikal na pagtuligsa (political resistance) na naipapamalas
naman sa pamamagitan ng vandalism at di-mabuting pakikitungo sa mga guro.
Bilang pagsuporta, naniniwala naman sina Gardner at Lambert (1972) na nagdudulot epekto sa mga
mag-aaral ang anumang saloobin sa pag-aaral ng wika. Para sa kanila, ang mga mag-aaral na may
positibong saloobin sa pag-aaral ng pangalawang wika (W2) ay higit na makikinabang sa pagkatuto;
at ang mga mag-aaral na may negatibong saloobin ay humahantong sa pagpapababa ng motibasyon
hanggang sa sila’y hindi na makapagtamo ng kakayahang pangwika. Dagdag pa nila na maaari
lamang mabago ang mga negatibong saloobin kung maipapaliwanag sa mga ito ang kahalagahan ng
wika sa pagkakaroon ng kaisahan, pagkakaunawaan at kapayapaan ng mga mamamayan sa bansa.
Bukod sa saloobin, kabilang din ang motibasyon sa emosyonal na dimensyon ng isang indibidwal.
Binigyang-kahulugan nina Diaz-Rico at Weed (1995) ang motibasyon bilang simbuyo (impulse),
emosyon o pagnanasa (desire) na nagdudulot upang ang isang indibidwal ay kumilos. Isang
pangangailangan, anila, ng isang tao ang maging aktibo – sa pagkuha at pagtanggap ng kaalaman, sa
pagdalumat (explore), sa pagmamanipula at maging sa pagpapataas ng kanyang ego. Sinisikap niyang
matamo ang kanyang batayang pangangailangan tulad ng inilarawan at ipinaliwanag ni Maslow sa
kanyang hirarkiya ng pangangailangan. Dahil dito, maituturing na salik sa pagdebelop ng motibasyon
ang mga taong nakapaligid sa kanya at ang mga aspektong sosyokultural at instruksyunal.
Hindi lamang saloobin ang sinaklaw nina Gardner at Lambert. Sa kanilang pag-aaral, tinukoy nina
Gardner at Lambert (1972) ang dalawang uri ng motibasyon sa pagkatuto ng ikalawang wika (W2) –
ang instrumental at integratibo.
11
Instrumental ang motibasyon kung ang pangangailangan na matamo ang wika ay para sa mga tiyak
na paggagamitan tulad ng layuning makabasa ng mga teknikal na babasahin o di kaya’y upang
makapagtrabaho. Samantalang integratibo naman ang motibasyon kung ito ay pagnanasa na maging
bahagi o kabilang ng isang kulturang gumagamit ng ikalawang wika. Sa kanilang pananaliksik, sinabi
nilang ang kaibahan ng dalawang uri ng motibasyon ay di ekslusibong myutwal; dahil sa madalas na
pagkakataon, maaaring umiral ang dalawang ito nang sabay o di kaya’y napagsasama.
Bukod sa mga nabanggit, saklaw din ng affective domain ang sumusunod
a. Pagtitiwala sa Sarili (Self-esteem)
Malaking bahagi ng damdamin ng isang indibidwal ay umiinog sa kaniyang sarili (damdamin
patungkol sa kaniyang sarili), sa kaniyang pagtitiwala sa sarili.
Si Schumann (1978) ay nagpakilala ng tatlong aspekto ng self-esteem: global (panlahat na
pagtataya sa kahalagahan ng sarili); specific (pansariling ebalwasyon sa iba’t ibang sitwasyon
ng buhay tulad ng trabaho at interaksyong sosyal, at indibidwal na katangian tulad ng
personalidad at talino); task (pansariling ebalwasyon sa isang partikular na gawain o task).
May kaugnayan ang pagtitiwala sa sarili sa konsepto ng inhibisyon (inhibition). Ito ang
katawagan na nagmumungkahi ng pagiging defensive (defensiveness) sa anumang bagong
karanasan o damdaming kaakibat ng pagtatamo ng wika. Kilala ito bilang language ego
(Guiora, Beit-Hallami, Brannon, Dull at Schovel, 1972), katawagan na maaaring humadlang o
makapagpadali ng daloy sa pagtanggap ng mga bagong language / verbal input.
Ang pagbibigay-diin sa katatasan (fluency) kaysa kawastuhan (accuracy) ang mainam na
paraan ng pagbabawas ng inhibisyon ng mga mag-aaral lalo na sa mga unang hakbang o
yugto sa pagkatuto ng wika.
Bukod sa inhibisyon, may kaugnayan din sa self-esteem ang tolerance sa kalabuan
(ambiguity), lalo na sa aspekto ng task esteem. Ang kakayahang ito na maging bukas sa pag-
unawa ng kalabuan ang nakatutulong sa indibidwal na tumugon sa mga sitwasyong
pangwika kahit pa may di-malinaw ang paksa, layunin ng kombersasyon, at maging ang mga
angkop na tugon ng mga kalahok (interlocutor). Sa katunayan, ang taong may mataas na
12
tolerance sa ambiguity ay matamang nakikinig at higit na mabisang nakikilahok sa talastasan
sa halip na umiwas (avoidance).
Sa kabuuan, kayang lagumin ang salik na ito sa pamamagitan ng simulain ng
‘pakikipagsapalaran’ (risk taking). Ang kakayahang makipagsapalaran ang nakatutulong
upang mapadali ang pagtatamo ng ikalawang wika. Malinaw na ang sinumang indibidwal na
sumusubok nang di alintana ang anumang pagkakamali ang higit na mabilis magtamo /
matuto ng wika kaysa yaong may inhibisyong sumubok at makipagsapalaran.
b. Takot, Pangamba’t Bagabag (Anxiety)
Makikita ito sa panlahat na nararamdamang tensiyon sa pagduop sa mga sitwasyong
pangwika. Ang anxiety sa pagtatamo at pagkatuto ng wika ay katulad lamang din ng anxiety
sa pakikipagkomunikeyt (communication anxiety) na sumasaklaw sa labis na self-
consciousness, labis na pagnanais na maging perpekto ang pananalita, at takot na
magkamali.
Bilang implikasyon sa natural na sitwasyong pangwika, mauunawaan na ang madalas na
dahilan ng indibidwal sa di-paggamit ng ikalawang wika [sa pagsali] sa talastasan ay
nakatuon sa preperensiya at pagiging komportable sa katutubong wika.
Sa pagtuturo ng wika, naniniwala ang mga eksperto sa ganitong pananaw:
“...students learn better in a supportive, nonthreatening environment.” (Lazanov,
1982)
5. Mga Kaugnay na Pag-aaral sa Pilipinas
Sa limitadong pananaliksik, nirebyu at inilapat ang mga ‘kalakasan’ ng sumusunod na kaugnay na
pag-aaral:
a. Ginawa ni Villacorte (1994) ang isang pag-aaral hinggil sa implementasyon ng Patakarang
Edukasyong Bilinggwal at ang relasyon nito sa kakayahang pang-akademiko ng mga
estudyante sa primarya sa Purok IV ng Dibisyon ng Leyte.
b. Si Ferma (1988) naman ay gumawa ng pag-aaral hinggil sa istatus ng Patakarang
Edukasyong Bilinggwal (Filipino) sa antas tersarya sa lalawigan ng Bukidnon
13
c. Si Casanova (1989) ay gumawa rin ng pag-aaral hinggil sa saloobin ng mga guro, mag-
aaral at magulang ng Mindanao State University sa PEB.
d. Sa ginawa namang pananaliksik ni Espiritu (2004), pinalawak nito ang pagsusuri sa gamit
ng wika sa mga programang pang-akademiko ng PNU.
e. Ang isinagawang pag-aaral ni Pascasio (1980) na nagsiyasat sa atityud sa wika at
motibasyon ng mga Pilipinong Bilinggwal sa paggamit ng wikang F(P)ilipino at Ingles
pokus sa mga mag-aaral ng Ateneo de Manila University. Paliwanag ni Pascasio,
isinagawa niya ang pag-aaral na ito bilang tugon sa implementasyon ng Patakarang
Edukasyong Bilinggwal noong 1974. Subalit, higit di-umanong mainam kung hindi lamang
ang epektibong implementasyon ang sisiyasatin kundi mainam na paghahanguan din ng
implikasyon ang sistematikong kaalaman kung bakit at paano ginagamit ng mga Pilipino
ang wikang Filipino at Ingles.
LANGUAGE BEHAVIOR SKETCH NG MGA MAG-AARAL SA KOLEHIYO: KASO NG PNU
Ano ang gap at isinagawa ang pag-aaral na ito?
Dalawa ang puwang o gap na pangunahing pupunan ng pag-aaral na ito. Una, waring hindi na
matapat, kung hindi man epektibo, na naipatutupad ang naturang patakarang pangwika. Para kay
Espiritu (2004), ang pagbabago ng wikang ginagamit sa ilang mga kurso o asignatura ay bunsod ng
pagbabago ng kurikulum at patakarang pangwika sa batayan at lalong mataas na edukasyon. Salik
din sa pagbabago ng wikang ginagamit sa pagtuturo ang preperensya ng mga guro’t propesor kung
ano ang wikang gagamitin bilang midyum ng instruksyon sa ilang asignatura.
Pangalawa, ang huling pananaliksik kaugnay ng ebalwasyon o pagtataya sa implementasyon ng
midyum ng instruksyon at maging sa kabuuan ng patakarang pangwika ng pamantasan ay naisagawa
ni Espiritu noon pang 2004. Kaya’t ang tanong dito - mula 2004 hanggang 2009, ano na ang istatus
ng implementasyon ng midyum ng instruksyon na tiniyak sa Patakarang Pangwika ng PNU? Dahil sa
malaking agwat na ito ng panahon ng pananaliksik, isa sa mga research priority ng pamantasan sa
Taong Panuruan 2009-2010 ang pag-aaral sa mga patakarang may kinalaman sa edukasyong
pangguro at sa lalong mataas na edukasyon.
Dahil dito, isang kailanganin ang pagsasagawa ng ebalwasyon at pagtataya upang mabatid ng
mananaliksik sa pag-aaral na ito ang kasalukuyang istatus ng implementasyon ng midyum ng
14
instruksyon sa PNU bilang inisyal na batayan ng istatus ng Patakarang Pangwika nito. Bukod dito,
isang kahalagahan ang pagsasaalang-alang ng pagsasagawa ng ebalwasyon at pagtataya tungo sa
ibayong pagpaplanong pangwika. Binigyang-diin ni Fonacier-Bernabe (1978) na yayamang ang
pagpaplanong pangwika ay isang tuluy-tuloy na proseso; at hindi mapasusubalian na ang pagbabago
sa tunguhin, estratehiya at maging ng pagbabago ng iba’t ibang kondisyon ay palagiang nagaganap
sa panahon ng implementasyon, kung kaya’t isang pangangailangan ang pagsasagawa ng anumang
pagtataya upang matukoy ang anumang pagtutugmaan at di-pagtutugmaan ng aktwal at inaasahang
bunga ng isinagawang pagpaplanong pangwika.
Matutunghayan sa sumusunod na bahagi [ang abstract ng pananaliksik] kung ano at paano inilapat
ang pananaliksik na ito. Layunin ng bahagi na ito na ipakita ang posibilidad ng paggamit sa lawak na
ito ang language behavior sketch bilang magandang anggulo ng pananaliksik.
ABSTRACT NG PANANALIKSIK
I. LAYUNIN NG PAG-AARAL
Sa pangkalahatan, nilalayon ng pag-aaral na ito na mataya ang kaalaman, atityud at motibasyon ng
mga mag-aaral hinggil sa implementasyon ng midyum ng instruksyon sa PNU.
Sisikapin din sa pag-aaral na matugunan ang sumusunod na tanong:
1. May konsistensi ba ang paggamit sa wikang Filipino at Ingles bilang midyum ng
instruksyon sa mga tiyak na asignatura / kursong kabilang sa subject allocation na
nakapaloob sa Patakarang Pangwika?
2. Anu-ano ang iba pang varayti ng wikang ginagamit bilang (alternatibo / pantulong na)
midyum ng instruksyon sa pagtuturo ng mga asignaturang tiniyak sa subject allocation?
2.1. Anu-ano ang dahilan ng paggamit nito?
2.2. Anu-ano ang mga pagkakataon / sitwasyong pangklasrum ang ginagamitan nito?
3. Ano ang motibasyon ng mga mag-aaral sa paggamit ng wikang Filipino at Ingles bilang
wika ng komunikasyon ng talakayang pangklasrum?
4. Mayroon bang sapat na kaalaman ang mga mag-aaral sa umiiral na Patakarang Pangwika
ng PNU?
5. Ano ang atityud ng mga mag-aaral sa umiiral na Patakarang Pangwika ng PNU?
15
6. May makabuluhan bang pagkakaiba sa kaalaman at atityud ang mga mag-aaral mula sa
iba’t ibang kolehiyo, na may iba’t ibang medyorsyip / espesyalisasyon hinggil sa
implementasyon ng midyum ng instruksyon sa PNU at maging sa implementasyon ng
Patakarang Pangwika ng pamantasan?
II. DISENYO NG PANANALIKSIK
Ang pag-aaral na ito ay isang palarawang pananaliksik (descriptive research) na may layuning mataya
ang kaalaman, atityud at motibasyon ng mga mag-aaral sa implementasyon ng midyum ng
instruksyon sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Bukod dito, inilapat ng mananaliksik sa
kasalukuyang pag-aaral ang paradimang exploratory-qualitative-statistical ni Grotjahn (1987). Sa
paradimang ito, makikitang tinawag itong: exploratory sapagkat ang kasalukuyang pag-aaral ay di-
ekperimental; qualitative, sapagkat ang mga datos dito ay pawang nominal at interval na datos
lamang upang makapaglarawan; at statistical, sapagkat gumamit ang mananaliksik ng mga tiyak na
statistical test o treatment upang masuri ang mga nakalap na datos nang obhektibo at makapagbigay
ng mapanghahawakang interpretasyon at implikasyon. Samantala, upang gumana ang nasabing
pagdulog at disensyo, inilapat ng mananaliksik ang pamaraang ebalwasyon ng programa (program
evaluation).
III. PAMAMARAAN
Upang matugunan ang mga nasabing suliranin, isinagawa ang survey sa 251ng mag-aaral na kabilang
sa Ikatlong Taon, Antas Di-gradwado. Ang nasabing survey ay nakaangkla rin sa pamamaraang
ebalwasyon ng programa (program evaluation). Bukod dito, ang mga nasabing kalahok na mag-aaral
ay nagmula sa iba’t ibang programa ng espesyalisasyon sa tangkilik ng apat na kolehiyong
nasasakupan ng pamantasan – ang College of Arts and Social Sciences (CASS), College of Education
(CED), College of Languages, Linguistics, and Literature (CLLL), at College of Sciences (COS).
Samantala, dahil sa tungkulin ng mananaliksik na makapangalap ng sapat na datos sa pamamagitan
ng survey, bumuo ang mananaliksik ng survey questionnaire o talatangunan bilang pangunahing
instrumentong susukat sa lahat ng tiyak na layunin o suliranin ng isinagawang pag-aaral. Ang
nabuong talatanungan ay maingat ipinamahagi ng mananaliksik sa mga sample-respondents. Sa
pagsusuri ng mga nakalap na datos, ginamit ng mananaliksik ang frequency, ranking, percentage, at
mean score. Bukod dito, inilapat din ng mananaliksik ang F-test o One-Way Analysis of Variance
16
(One-Way ANOVA) sa pagsusuri ng makabuluhang pagkakaiba ng kaalaman at atityud ng mga
kalahok na mag-aaral sa implementasyon ng midyum ng instruksyon habang isinasaalang-alang ang
kanilang espesyalisasyon at kinabibilangang kolehiyo. At upang maisakatuparan ang mga
pagsusuring estatistikal na ito, gumamit ang mananaliksik ng Statistical Package for Social Science
(SPSS).
IV. KINALABASAN NG PAG-AARAL
Sa katapusan ng pag-aaral na ito, natuklasan ng mananaliksik ang sumusunod:
A. Mga Kinalabasan Batay sa Suliranin 1
1. Ang mga asignaturang kabilang sa lawak ng Agham (Agham Natural at Agham Pisikal),
Teknolohiya at Agham Pangkomunikasyon (Computer Literacy at Information Technology), at
Ingles (Wika at Literatura) ay konsistent sa paggamit ng wikang Ingles bilang wikang panturo
sa mga nilalaman nito.
2. Samantala, konsistent ang mga asignaturang kabilang sa lawak ng Filipino (Wika at Panitikan)
sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo.
3. Konsistent din sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo ang maraming
asignaturang kabilang sa lawak ng Kasaysayan at Agham Panlipunan. Subalit kapuna-punang
ang kursong Relevant Laws ay hindi konsistent sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang
panturo nito; at sa halip, wikang Ingles ang tugon ng nakakaraming kalahok na siyang wikang
ginagamit rito bilang midyum ng instruksyon.
4. Sa kabilang banda, hindi rin konsistent sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo
ang karamihan sa mga asignaturang kabilang sa lawak ng Edukasyon sa Pagpapalakas ng
Katawan (Physical Education). Sa itinakdang subject allocation ng Patakarang Pangwika ng
PNU, ang PE ay kinakailangang ituro sa wikang Filipino. Ngunit sa mga nakalap na datos,
karamihan sa mga kalahok na mag-aaral ay nagkakasundo na ang nilalaman ng mga
asignatura sa lawak na ito ay itinuturo sa wikang Ingles.
5. Bukod dito, hindi rin konsistent sa paggamit ng wikang Filipino bilang midyum ng instruksyon
ang mga asignaturang kabilang sa lawak ng Psychology at Edukasyon sa Pagpapahalaga
(Values Education).
6. Samantala, kakaiba ang kaso ng kursong Personality Education sa lahat ng naitala ng mga
kalahok na mag-aaral. Ang Personality Education o Pers.Ed. ay isang kursong kabilang sa GEC,
17
na sa lumang kurikulum pangguro ay tinatawag na Euthenics. Sa itinakdang subject allocation
ng Patakarang Pangwika ng PNU, ang Euthenics ay kinakailangang ituro sa wikang Filipino.
Subalit dahil sa lubhang magkakalapit na tugon ng mga kalahok na mag-aaral, kapuna-
punang walang paghihigpit sa wikang gagamitin – Filipino man o Ingles – bilang wikang
panturo sa asignaturang nabanggit.
B. Mga Kinalabasan Batay sa Suliranin 2
1. Natuklasan sa mga nakalap na datos na nakararami sa mga kalahok na mag-aaral (215ng
kalahok o 85.7ng bahagdan) ang tumitiyak na umiiral ang paggamit ng varayti ng wika na
magkahalo ang gamit ng Filipino-Ingles / Ingles-Filipino sa mga akademikong klasrum bilang
(alternatibo / pantulong na) wikang panturo, bukod pa sa wikang Filipino at Ingles bilang
mga tiyak na midyum ng instruksyon.
2. Inilalahad ng mga natipong datos na tiyakang nagagamit ng mga propesor at mag-aaral ang
varayti ng wika na magkahalo ang gamit ng Filipino-Ingles / Ingles-Filipino bilang umuusbong
na wikang panturo, kundi man ay alternatibo / pantulong na wikang panturo, sa mga tiyak
na asignaturang nabanggit sa Tiyak na Layunin Blg. 1.
3. Inilalahad ng mga natipong datos na ang tatlong pangunahing sitwasyong pangklasrum na
nagbubunsod sa pag-iral o paggamit ng varayti ng wika na magkahalo ang gamit ng Filipino-
Ingles / Ingles-Filipino sa mga lawak na tiniyak sa subject allocation ay ang sumusunod: (a)
kapag nagpapaliwanag ng malalalim na kaisipan, (b) kapag may kakulangan / kawalan ng
salitang mahagilap sa target na wikang ginagamit, at (c) kapag nagkukwento.
C. Mga Kinalabasan Batay sa Suliranin 3
1. Sa isinagawang pagtataya sa motibasyon ng mga mag-aaral sa paggamit ng wikang Filipino at
Ingles bilang mga wikang panturo, natuklasan na: (a) mayroong katamtamang motibasyon
ang mga mag-aaral sa pag-aaral ng Filipino bilang isang wika at bilang isang asignatura, kurso
o disiplina; (b) bagama’t kinakitaan ng katamtamang motibasyon ang mga mag-aaral sa pag-
aaral ng Filipino bilang isang wika at bilang asignatura, kurso o disiplina, kapuna-puna naman
ang mataas na motibasyon ng mga ito sa paggamit at paglalapat ng mga natamong
pagkatuto at kasanayan sa Filipino; (c) konsistent ang motibasyon ng mga mag-aaral sa pag-
aaral ng wikang Ingles at maging sa paggamit at paglalapat ng mga natamong kasanayan at
pagkatuto sa wikang ito; at (d) higit na mataas ang motibasyon ng mga mag-aaral sa wikang
18
Ingles kaysa Filipino sapagkat higit na nakikita ng mga mag-aaral ang kahalagahan ng nauna
kaysa huli – bagay na sinasaklaw ng kaalaman at atityud sa wika ng mga mag-aaral.
2. Bukod dito, natuklasan din sa isinagawang pagtataya na hindi nagkakalayo ang tugon sa
motibasyon sa paggamit at pag-aaral ng wika (Filipino man o Ingles) ng mga kalahok na mag-
aaral buhat sa iba’t ibang kolehiyo at programa ng espesyalisasyon.
D. Mga Kinalabasan Batay sa Suliranin 4
Batay sa isinagawang pagtataya sa kaalaman ng mga mag-aaral sa implementasyon ng
Patakarang Pangwika ng PNU, natuklasan na bagama’t nakapagpakita ng halos magkakapantay
na distribyusyon ng kaalaman sa apat na kolehiyo ng PNU (dalawa sa mga ito ang may
‘kaalaman’ habang dalawa rin ang may ‘bahagyang kaalaman’), nakapagtamo pa rin ito ng
kabuuang mean score na 2.45 na nangangahulugang ‘bahagyang alam’.
E. Mga Kinalabasan Batay sa Suliranin 5
Batay sa isinagawang pagtataya sa atityud ng mga mag-aaral kaugnay ng implementasyon ng
Patakarang Pangwika ng PNU, natuklasan na ang lahat ng kalahok na mag-aaral ay sumasang-
ayon sa Patakarang Pangwika ng PNU. Ipinakita ito ng kabuuang weighted mean score na 3.35,
na nangangahulugang ‘sumasang-ayon’.
F. Mga Kinalabasan Batay sa Suliranin 6
Sa isinagawang pagsusuri sa mga naging tugon ng mga kalahok na mag-aaral kaugnay ng
kaalaman at atityud sa implementasyon ng midyum ng instruksyon sa PNU at sa Patakarang
Pangwika nito gamit ang One-Way ANOVA, natuklasan ang sumusunod:
1. May makabuluhang pagkakaiba ang kaalaman ng mga kalahok na mag-aaral na may iba’t
ibang espesyalisasyon hinggil sa implementasyon ng midyum ng instruksyon at maging sa
implementasyon ng Patakarang Pangwika ng PNU. Ito ay sa kadahilanang ang F ratio / F
value na 2.600 ay higit na mataas kaysa F critical value nito na 1.83 (df = 11, 200) sa 0.05
level of significance kaya’t tinatanggihan nito at hindi tinatanggap ang null hypothesis.
2. May makabuluhang pagkakaiba ang kaalaman ng mga kalahok na mag-aaral mula sa iba’t
ibang kolehiyo hinggil sa implementasyon ng midyum ng instruksyon at maging sa
19
implementasyon ng Patakarang Pangwika ng PNU; sapagkat higit na mataas ang F ratio / F
value na 4.654 kaysa F critical value nito na 2.65 (df = 3, 200) sa 0.05 level of significance,
kung kaya’t tinatanggihan nito at hindi tinatanggap ang null hypothesis.
3. Walang makabuluhang pagkakaiba ang atityud ng mga kalahok na mag-aaral na may iba’t
ibang espesyalisasyon hinggil sa implementasyon ng midyum ng instruksyon at maging sa
implementasyon ng Patakarang Pangwika ng PNU. Sapagkat higit na mababa ang F ratio / F
value na 1.572 kaysa F critical value nito na 1.83 (df = 11, 200) sa 0.05 level of significance;
kung kaya’t, batay sa pagsusuring ito, tinatanggap nito ang null hypothesis.
4. May makabuluhang pagkakaiba ang atityud ng mga kalahok na mag-aaral mula sa iba’t ibang
kolehiyo hinggil sa implementasyon ng midyum ng instruksyon at maging sa
implementasyon ng Patakarang Pangwika ng PNU. Sapagkat higit na mataas ang F ratio / F
value na 4.308 kaysa F critical value nito na 2.65 (df = 3, 200) sa 0.05 level of significance;
kaya’t sa pagsusuring ito, tinatanggihan nito at hindi tinatanggap ang null hypothesis.
V. KONGKLUSYON
Bilang pagsasaalang-alang sa mga natuklasan at kinalabasan ng pag-aaralan na ito, nabuo ng
mananaliksik ang sumusunod:
1. Ang hindi pagiging konsistent ng ilang kurso sa paggamit ng wikang Filipino at/o Ingles bilang
mga wikang panturo ay bunsod ng sumusunod: (a) ang kalikasan/pamagat at maging ang
karamihan sa mga kagamitang panturo sa kurso ay nasa wikang Ingles; (b) bagama’t wikang
Ingles o Filipino ang ginagamit na midyum ng instruksyon sa mga tiyak na asignatura, hindi lahat
ng mag-aaral ay may sapat na kakayahan upang gamitin ang mga wikang ito sa lahat ng
pagkakataon lalo na sa pagpapaliwanag ng mga nilalamang tinatalakay sa nasabing asignatura;
kung kaya’t (c) may mga pagkakataong nagpapalit-koda o naghahalong-koda ang mga ito –
dahilan upang kilalanin ng mga mag-aaral ang pag-iral ng varayti ng wika na magkahalo ang
gamit ng wikang Filipino-Ingles / Ingles-Filipino; (d) walang paghihigpit sa wikang gagamitin
bilang wikang panturo – Filipino man o Ingles – ang mga propesor sa ilang asignatura kaya’t
nagkakaroon ng kalayaan ang mga mag-aaral sa pagpili ng wikang gagamitin sa pagtalakay at
pagbabahagian ng mga nilalamang nakapaloob (sa kursong Pers.Ed halimbawa) na nakasalig
naman sa kanilang mga preperensya sa wika; at (e) ang pagbabago ng ginagamit na midyum ng
instruksyon sa pamantasan ay naaapektuhan o naiimpluwensiyahan ng Pambansang Probisyong
20
Pangwika ng Pamahalaan at Kagawaran ng Edukasyon katulad ng EO 210 ni Pang. Gloria
Macapagal-Arroyo.
2. Bagama’t may mga tiyak nang wikang panturo, hindi maiiwasan ang paggamit ng varayti ng wika
na magkahalong gamit ng Filipino-Ingles / Ingles-Filipino sapagkat nagsisilbi itong alternatibong
wika o wikang pantulong sa pagtuturo at pagpapahayag ng mga nilalaman ng iba’t ibang
disiplina.
3. Batay sa isinagawang pagtataya sa motibasyon ng mga kalahok na mag-aaral sa paggamit ng
wikang Filipino at Ingles bilang mga wikang panturo, mahihinuhang (a) kahit mayroong
katamtamang motibasyon ang mga mag-aaral sa pag-aaral ng wikang Filipino, hindi lahat ng mga
mag-aaral ay nag-uukol ng mataas na inisyatibo at pagsisikap na pag-aralan ito; (b) ngunit,
hangad nilang magamit ang anumang pagkatutong natamo sa Filipino hangga’t maaari; at (c)
higit na mataas ang motibasyon ng mga mag-aaral sa wikang Ingles kaysa Filipino sapagkat higit
na nakikita ng mga mag-aaral ang kahalagahan ng nauna kaysa huli – bagay na sinasaklaw ng
kaalaman at atityud sa wika ng mga mag-aaral. Bukod dito, walang makabuluhang pagkakaiba
ang motibasyon sa paggamit at pag-aaral ng wika (Filipino man o Ingles) ng mga mag-aaral kahit
pa ang mga ito ay buhat sa iba’t ibang kolehiyo at iba’t ibang programa ng espesyalisasyon.
4. Walang ganap na kaalaman sa nilalaman at panuntunan ng implementasyon ng Patakarang
Pangwika ng PNU ang karamihan sa mga mag-aaral nito. Mula rito, mahihinuhang kulang pa sa
kaalaman sa Patakarang Pangwika ang nakararaming mag-aaral ng nasabing pamantasan.
Gayumpaman, kapuna-puna sa mga kalahok na mag-aaral na waring naging malinaw sa kanila na
ang wikang Filipino at Ingles ang gagamiting midya ng pagtuturo sa mga tiyak na asignaturang
nakapaloob sa inihaing kurikulum ng pamantasan.
5. Sinasang-ayunan ng mga kalahok na mag-aaral ang lahat ng probisyong pangwika na saklaw ng
Patakarang Pangwika ng PNU. Dagdag pa rito, positibo sa kabuuan ng Patakarang Pangwika ng
pamantasan ang atityud ng lahat ng kalahok na mag-aaral na may iba’t ibang espesyalisasyon, na
buhat sa iba’t ibang kolehiyo.
6. Batay sa isinagawang pagsusuri sa mga tugon ng mga kalahok na mag-aaral sa kaalaman at
atityud hinggil sa implementasyon ng midyum ng instruksyon sa PNU at sa Patakarang Pangwika
nito gamit ang One-Way ANOVA, mahihinuha ang sumusunod:
a. Ganap (significant) ang pagkakaroon ng makabuluhang pagkakaiba sa kaalaman ng
mga kalahok na mag-aaral batay sa kanilang espesyalisasyong kinukuha hinggil sa
implementasyon ng midyum ng instruksyon sa PNU at maging sa implementasyon ng
Patakarang Pangwika ng pamantasan. Samakatuwid, maituturing na salik ang
espesyalisasyong kinukuha ng mga mag-aaral sa kanilang kaalaman sa umiiral na
21
midyum ng instruksyon at maging sa nilalaman ng Patakarang Pangwika ng
pamantasan.
b. Ganap (significant) din ang pagkakaroon ng makabuluhang pagkakaiba sa kaalaman
ng mga kalahok na mag-aaral batay sa kolehiyong kanilang kinabibilangan hinggil sa
implementasyon ng midyum ng instruksyon sa PNU at maging sa implementasyon ng
Patakarang Pangwika ng pamantasan. Samakatuwid, maituturing din na salik ang
kolehiyong kinabibilangan ng mga mag-aaral sa kanilang kaalaman sa umiiral na
midyum ng instruksyon at maging sa nilalaman ng Patakarang Pangwika ng
pamantasan.
c. Hindi naman ganap ang pagkakaroon ng makabuluhang pagkakaiba sa atityud ng
mga kalahok na mag-aaral batay sa kanilang espesyalisasyong kinukuha hinggil sa
implementasyon ng midyum ng instruksyon sa PNU at maging sa implementasyon ng
Patakarang Pangwika ng pamantasan. Dahil dito, hindi salik o hindi nakaaapekto ang
espesyalisasyong kinukuha ng mga mag-aaral sa kanilang atityud tungo sa umiiral na
midyum ng instruksyon at maging sa nilalaman ng Patakarang Pangwika ng
pamantasan.
d. Ganap (significant) ang pagkakaroon ng makabuluhang pagkakaiba sa atityud ng
mga kalahok na mag-aaral batay sa kolehiyong kanilang kinabibilangan hinggil sa
implementasyon ng midyum ng instruksyon sa PNU at maging sa implementasyon ng
Patakarang Pangwika ng pamantasan. Samakatuwid, maituturing ding salik ang
kolehiyong kinabibilangan ng mga mag-aaral sa kanilang atityud tungo sa umiiral na
midyum ng instruksyon at maging sa nilalaman ng Patakarang Pangwika ng
pamantasan.
VI. REKOMENDASYON
Bilang pagsasaalang-alang sa kinalabasan o naging resulta ng pag-aaral na ito, at batay na rin sa
nabuong kongklusyon ng mananaliksik, inihahain ang sumusunod na mungkahi:
1. Iminumungkahi na bisitahing muli ang nilalaman ng Patakarang Pangwika ng PNU upang
maisapanahon ito. Kinikilala na rin sa kasalukuyan ang kahalagahan ng multilinggwalismo, lalo
pa’t itinakda na ang PNU bilang National Center for Teacher Education (NCTE) sa pamamagitan
ng Atas Panrepublika Blg. 9647. Sa pamamagitan nito, lalong makatutugon ang pamantasan sa
pinanghahawakan nitong tungkulin bilang hanguan ng mga input para sa mga patakarang
22
binubuo sa Batayang Edukasyon ng Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education) at
maging ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (Commission on Higher Education).
2. Bilang pagsasaalang-alang sa naunang mungkahi, nararapat ding pasiglahing muli ang mga
programang nakaatang sa Language Study Center (LSC). Mangyari, kung isusulong ng
pamantasan ang patakarang pangwikang nakasalig sa pananaw multilinggwal, mainam na
magsimula ang anumang pagbabalangkas sa sentrong ito dahil ito ang higit na
makapagsasagawa ng mga pag-aaral sa wika sa pakikipag-ugnayan nito sa iba pang ahensyang
pangwika (tulad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), Linguistic Society of the Philippines (LSP),
atbp.). Kaakibat nito, dahil din sa lumalagong bilang ng mga dayuhang mag-aaral na pumapasok
sa pamantasan, mainam na maglaan din ng mga espesyalisadong programang pangwika ang
pamantasan ukol dito – maging ito man ay sa Ingles o Filipino. Halimbawa, isa sa mga
kinakailangang kurso ng mga mag-aaral sa GEC ay ang Filipino. Dito, hindi maaaring isama sa
mga regular na klase ang mga dayuhang mag-aaral (tulad ng mga dayuhang mag-aaral na Tsino,
Hapon at Koreano) dahil ang mga regular na Pilipinong mag-aaral ay higit na may mataas na
antas sa paggamit at pag-unawa o katatasan sa wikang Filipino kaysa mga dayuhang mag-aaral.
Kung kaya’t kinakailangang magdisensyo ang LSC, sa pakikipagtulungan sa Kagawaran ng Filipino,
ng programang Filipino para sa mga Dayuhang Mag-aaral nang sa gayon ay magkaroon ng
malinaw na posisyon ang pamantasan at ang Kagawaran ng Filipino kung papaano ang pagtuturo
at pagdulog na gagawin sa mga dayuhang mag-aaral.
3. Kung muling babalangkasin ang Patakarang Pangwika ng PNU na nakasalig sa multilinggwal na
pananaw, marapat na magdebelop rin ng mga angkop na kagamitang panturo ang pamantasan
sa pagtuturo ng iba’t ibang lawak pangnilalaman / disiplina na tumutugon sa multilinggwal na
pananaw.
4. Isa sa mga natuklasan o natiyak sa pag-aaral na ito ay ang pag-iral ng varayti ng wika na
magkahalo ang gamit ng Filipino-Ingles / Ingles-Filipino bilang (alternatibo o pantulong na)
midyum ng instruksyon sa mga asignaturang tiniyak sa subject allocation ng Patakarang
Pangwika ng PNU. Dahil dito, iminumungkahi ng pag-aaral na ito na magsagawa ng pag-aaral
hinggil sa pagsusuri ng diskors ng mga mag-aaral at propesor sa paggamit ng varayting ito ng
wika tungo sa pagsasapormal ng katangian at kayarian nito sa konteksto ng talakayang
pangklasrum at akademikong komunikasyon. Sa ganitong paraan, nagkakaroon ng katiyakan ang
paggamit ng ganitong varyant ng wika bilang pantulong na wika (auxiliary language) sa mga tiyak
na midyum ng instruksyon sa mga pagtuturo ng iba’t ibang lawak o disiplina. Bukod dito, huwag
lamang limitahan ang pag-aaral sa paghahalo, pagpapalit-koda at paglilipat-koda ng mga
tagapagsalita sa wikang Filipino at Ingles. Mangyaring isaalang-alang din ang posibleng
23
paghahalo, pagpapalit-koda at paglilipat-koda ng mga tagapagsalita gamit ang mga wika ng
kampus sa ibang sangay (branch) ng pamantasan sa wikang Filipino at Ingles.
5. Natuklasan sa pag-aaral na ito na katamtaman lamang ang motibasyon ng mga mag-aaral sa
wikang Filipino bilang wika at bilang disiplina. Dahil dito, iminumungkahi ng pag-aaral na ito na
patuloy pang magdebelop ng mga pamaraan, estratehiya at teknik ang mga gurong nagtuturo ng
Filipino sa General Education Courses (GEC) upang maiangat ang saloobin at motibasyon ng mga
mag-aaral tungo sa paggamit ng wikang Filipino bilang wika ng iskolarling talakayan. Bukod dito,
marapat din na madebelop sa kamalayan ng mga mag-aaral ang kahalagahan o pakinabang ng
pagkatutong matatamo sa wikang Filipino bilang isang tool subject tulad ng wikang Ingles nang
sa gayon ay magamit ang wikang ito [katulad ng wikang Ingles] sa mga intelektwal na talakayan
at pananaliksik.
6. Natuklasan sa pag-aaral na ito na ang mga mag-aaral ay may bahagyang kaalaman lamang sa
nilalaman ng Patakarang Pangwika ng PNU. Dahil dito, iminumungkahi ng pag-aaral na ito na
isama – hangga’t maaari – ang pagtalakay sa Patakarang Pangwika ng PNU bilang isa sa mga
paksang-aralin sa silabus sa asignaturang Komunikasyon sa Akademikong Filipino (G-Fil01) nang
sa gayon ay nagiging madali ang pagpapakilala at pagpapakalat o desiminasyon ng nasabing
patakaran, yaman din lamang na isa sa mga paksang pinag-aaralan sa kursong ito ay ang
gampanin ng wikang Filipino sa Akademikong larangan (gaya ng isinasaad ng CHED
Memorandum Order No. 59, s. 1996). Makatutulong din ang pagsasamang ito sa pag-unawa ng
mga mag-aaral sa kahalagahang nagagawa ng PNU tungo sa pagdebelop ng mga pambansang
patakaran sa batayang edukasyon sa Kagawaran ng Edukasyon at sa Komisyon sa Lalong Mataas
na Edukasyon. Bukod dito, ang pagkakaroon ng wastong kaalaman sa patakarang pangwika ng
pamantasan ay makatutulong sa masigla at epektibong implementasyon nito.
7. Bilang patuloy na pagtugon sa kultura ng pananaliksik ng pamantasan, iminumungkahi ng pag-
aaral na ito na magsagawa pa ng mga kaugnay na pag-aaral na tumataya sa kasalukuyang istatus
ng implementasyon ng Patakarang Pangwika ng PNU nang may pagsasaalang-alang sa mas
malawak na perspektibo, at hindi lamang limitado sa mga mag-aaral bilang pangunahing
kalahok. Bukod dito, sikapin ding ilahok ang iba pang kasapi ng komunidad ng pamantasan tulad
ng mga propesor at administrador upang matukoy ang hangganan ng implementasyon nito.
Maaari ring tingnan ang impak na naibunga ng implementasyon ng Patakarang Pangwika sa
labas ng pamantasan lalo pa’t kasama sa mga lawak nito ang serbisyong ekstensyon o panlabas.
Sa ganitong paraan, makatutukoy ang komunidad ng pamantasan – lalo na sa sangay ng mga
tagapamahala – ng mga hakbangin sa lalong pagpapabuti ng nilalaman ng Patakarang Pangwika,
24
gayundin ang pagpili ng wikang gagamitin bilang midyum ng instruksyon, at maging sa
pagpapalakas ng mga programa sa pagtuturo ng wika sa antas di-gradwado at gradwado.
SANGGUNIAN:
Casanova, Arthur P. (1989). Ang saloobin ng mga guro, mag-aaral at magulang ng Mindanao State University hinggil sa Patakarang Edukasyong Bilinggwal. Master Thesis, Philippine Normal College, Manila.
Diaz-Rico Lynne T. and Kathryn Z. Weed. (1995). The crosscultural, language, and academicdevelopment handbook. Boston, Massachusetts: Allyn and Bacon.
Empaynado, Jomar I. (2009). Kaalaman, atityud at motibasyon ng mga mag-aaral sa implementasyon ng midyum ng instruksyon sa Pamantasang Normal ng Pilipinas.Tanging Proyekto sa MAT Filipino. Pamantasang Normal ng Pilipinas, Maynila.
Espiritu, Clemencia C. (2005). Filipino sa kurikulum. Nasa Peregrino at Enriquez (Eds.). (2005). Ang Filipino sa iba’t ibang disiplina. (Lagda: Opisyal na Publikasyon ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas – Unibersidad ng Pilipinas Diliman). (pp. 127-139). Quezon City: University of the Philippines.
___________________. (2004). Edukasyong pangwika sa Filipino: Pagsulong at tungihin.The Normal Lights. Vol. 1. No. 12004. Manila: PNU Press.
___________________. (1996). Code-switching in the primary classroom: One response to theplanned and the unplanned language environment in Brunei – A response. Journal of Multilingual and Multicultural Development, Volume 17, Issue 2, 1996, Pages 145 – 148.
Ferma, Elena O. (1988). Istatus ng implementasyon ng Edukasyong Bilinggwal (Filipino) sa antastersyarya ng Lalawigan ng Bukidnon Taong Panuruan 1987-1988. Master Thesis, Xavier University, Cagayan City.
Fonacier-Bernabe, Emma J. (1978). Language planning in Philippine Education: 1565 – 1975. Doctoral Dissertation, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.
Orille, Adela F. (1980). Isang pahambing na pag-aaral ng kaalaman at saloobin ng mga gurong katutubo at di-katutubong tagapagsalita ng Tagalog hinggil sa Patakarang Bilinggwal. Master Thesis, Philippine Normal College, Manila.
Pascasio, Emy M. (1980). Language attitudes and motivations of Filipino bilinguals towards Pilipino and English: the Philippine context. Nasa Afrendas (Ed.), Patterns of bilingualism. (Anthology Series 8). (pp. 120-184). Singapore: SEAMEO RELC.
Sibayan, Bonifacio P. and Lorna Z. Segovia. (1980). Language and socioeconomic development: Resulting patterns of bilingualism / multilingualism. Nasa Afrendas (Ed.), Patterns of bilingualism. (Anthology Series 8). (pp. 57-119). Singapore: SEAMEO RELC.
Villacorte, Evelyn M. (1994). Bilingual Education Policy Implementation: Its relationship to the academic performance of the elementary school pupils in Area IV of Leyte Division. Master Thesis, Philippine Normal University, Manila.