+ All Categories
Home > Documents > EBOLUSYON NG PATAKARANG PANGKAGUBATAN NG AMERIKA SA PILIPINAS, 1900-1940

EBOLUSYON NG PATAKARANG PANGKAGUBATAN NG AMERIKA SA PILIPINAS, 1900-1940

Date post: 10-Dec-2023
Category:
Upload: up-diliman
View: 2 times
Download: 0 times
Share this document with a friend
25
EBOLUSYON NG PATAKARANG PANGKAGUBATAN NG AMERIKA SA PILIPINAS, 1900-1940 * Ma. Luisa De Leon-Bolinao, Ph.D. Ang artikulo ay halaw sa disertasyon ng may-akda (De Leon-Bolinao 20015) 1 na naghahambing sa patakarang pangkagubatan na ipinatupad ng dalawang magkaibang kolonisador sa Timog Silangang Asya—ang mga Amerikano sa Pilipinas at ang mga Ingles sa Malaya. Bagama’t nagkakaiba ang estilo, malinaw at tiyak ang mga hakbang na tinahak ng mga mananakop sa pamamahala ng kagubatan ng Pilipinas at Malaya sa loob ng panahong 1900- 1940. Kabilang sa natuklasan sa disertasyon ang ebolusyon ng mga patakarang pangkagubatan na dumaan sa apat na yugto: Pagtatatag ng mga Institusyong Pangkagubatan; Pananaliksik at Edukasyon; Eksploytasyon at Komersyalisasyon ng Kagubatan; at Pagmumuling-gubat (Reforestation) at Konserbasyon. Ang mga taong 1900-1940 ang ipinasyang saklaw na panahon ng pag-aaral. Ang taong 1900 ang taon na unang itinatag ang Forestry Bureau sa Pilipinas, samantalang ang taong 1940 naman ang huling taon ng publikasyon ng mga Semi-Annual Report ng Direktor sa Paggugubat na pinagbatayan ng datos para sa pag-aaral na ito. Ang apat na yugto ay nagsilbing ikutang panahon sa loob ng saklaw na panahon, at siyang gagamiting transisyon ng bawat bahagi ng artikulo. Pokus ng papel ang mga patakarang pangkagubatang umusbong habang pinamamahalaan ng Amerika ang Pilipinas bilang kolonya. Samakatwid, ilang mahalagang aspekto ang hindi na matatalakay sa artikulo. Una na rito ang reaksyon ng mga lokal na komunidad na nakatira o nasasakop ng mga kagubatan. Dalawa ang dahilan nito: hindi ito binigyang-diin sa mga ulat- pampahalaan ng mga opisyal ng kagubatan at hindi kabilang sa mga nakonsultang batis ang mga lokal na pahayagan sa panahong ito. Ikalawa, maging ang mga batis na ginamit sa artikulo ay puro primaryang batis, at iilan lamang ang mga sekondaryong pag-aaral, dahil halos walang pagtalakay ng patakarang pangkagubatan ang naisulat na tungkol sa panahong ito. Sa kabila ng mga limitasyon ng artikulo, inaasahang maipapahayag pa rin sa naratibo ang ebolusyon ng mga patakaran na naging mahalaga sa paghubog ng ating mga kagubatan sa kasalukuyan.
Transcript

EBOLUSYON NG PATAKARANG PANGKAGUBATAN

NG AMERIKA SA PILIPINAS, 1900-1940*

Ma. Luisa De Leon-Bolinao, Ph.D.

Ang artikulo ay halaw sa disertasyon ng may-akda (De Leon-Bolinao 20015)1 na naghahambing sa patakarang pangkagubatan na ipinatupad ng dalawang magkaibang kolonisador sa Timog Silangang Asya—ang mga Amerikano sa Pilipinas at ang mga Ingles sa Malaya. Bagama’t nagkakaiba ang estilo, malinaw at tiyak ang mga hakbang na tinahak ng mga mananakop sa pamamahala ng kagubatan ng Pilipinas at Malaya sa loob ng panahong 1900-1940. Kabilang sa natuklasan sa disertasyon ang ebolusyon ng mga patakarang pangkagubatan na dumaan sa apat na yugto: Pagtatatag ng mga Institusyong Pangkagubatan; Pananaliksik at Edukasyon; Eksploytasyon at Komersyalisasyon ng Kagubatan; at Pagmumuling-gubat (Reforestation) at Konserbasyon. Ang mga taong 1900-1940 ang ipinasyang saklaw na panahon ng pag-aaral. Ang taong 1900 ang taon na unang itinatag ang Forestry Bureau sa Pilipinas, samantalang ang taong 1940 naman ang huling taon ng publikasyon ng mga Semi-Annual Report ng Direktor sa Paggugubat na pinagbatayan ng datos para sa pag-aaral na ito. Ang apat na yugto ay nagsilbing ikutang panahon sa loob ng saklaw na panahon, at siyang gagamiting transisyon ng bawat bahagi ng artikulo. Pokus ng papel ang mga patakarang pangkagubatang umusbong habang pinamamahalaan ng Amerika ang Pilipinas bilang kolonya. Samakatwid, ilang mahalagang aspekto ang hindi na matatalakay sa artikulo. Una na rito ang reaksyon ng mga lokal na komunidad na nakatira o nasasakop ng mga kagubatan. Dalawa ang dahilan nito: hindi ito binigyang-diin sa mga ulat-pampahalaan ng mga opisyal ng kagubatan at hindi kabilang sa mga nakonsultang batis ang mga lokal na pahayagan sa panahong ito. Ikalawa, maging ang mga batis na ginamit sa artikulo ay puro primaryang batis, at iilan lamang ang mga sekondaryong pag-aaral, dahil halos walang pagtalakay ng patakarang pangkagubatan ang naisulat na tungkol sa panahong ito. Sa kabila ng mga limitasyon ng artikulo, inaasahang maipapahayag pa rin sa naratibo ang ebolusyon ng mga patakaran na naging mahalaga sa paghubog ng ating mga kagubatan sa kasalukuyan.

SIMULAIN NG INSTITUSYONG PANGKAGUBATAN: ANG INSPECCIÓN GENERAL DE MONTES (1863)

Bago pa man dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas, naitatag na ng mga Español ang Inspección General de Montes (IGM) noong 1863. Ang IGM ay isang opisina na binuo “sa bisa ng isang Real Orden na ipinalabas ng hari ng España noong Marso 23, 1855… na mangangalaga at mangangasiwa sa kabundukan ng Pilipinas” (Orillos 1999). Ang ahensya ang naglatag ng mga panimulang patakaran tungkol sa pagsisinop ng kagubatan sa Pilipinas. Sa pagdating ng mga Amerikano, wala na silang halos binago sa mga nakaayos nang patakarang panggubat. Ang IGM ay binuo ng mga Español matapos nilang mapansing mabilis ang pagkaubos ng mga puno sa kagubatan dahil ginagamit ang mga ito sa paggawa ng barko, ikinakalakal sa loob at labas ng bansa, o sinusunog upang matamnan ang lupa. Sa pagkatiwalag nito noong 1898 matapos na maisalin ang pamamahala ng Pilipinas mula bansang España tungo bansang Amerika, marami na itong naiambag sa iba’t ibang larangan ng kasaysayang Pilipino. Sa pamamagitan ng Comisión de la Flora Forestal, ang IGM ang unang nagsagawa ng pag-aaral at pagsusuri ng iba’t ibang uri ng halamang matatagpuan sa Pilipinas, ang kabuluhan at gamit ng mga ito sa pamumuhay nating mga Pilipino, at kung ano pa ang mga halamang maaaring itanim sa Pilipinas para sa panghinaharap na pangangailangan. Pinaunlad din ng IGM ang disiplina ng agham ng paggugubat (forestry) sa Pilipinas. Ayon kay Ma. Florina Orillos (1999), “ang mga Kastila ang nagpakilala ng ganitong uri ng diskurso sa Pilipinas na nang lumaon ay ipinagpatuloy ng mga Amerikano.” Malaki ang naging pagkasira ng kagubatan ng Pilipinas dahil sa dalawang magkasunod na digmaang naranasan ng bansa simula pa 1896. Nasira ng digmaan ang maraming gusali at kabahayan, at maraming tulay ang pinasabog ng magkatunggaling puwersa o inanod sa ilang bagyong dumaan sa bansa. Ito ang nagtulak ng malaking pangangailangan sa troso upang muling maitayo ang mga bahay at maayos muli ang mga tulay. Bukod sa hamon ng digmaan, isa pang matinding dahilan ng pagkaubos ng puno sa kagubatan ay ang pagkakaingin, upang magamit ang lupain sa pagsasaka. Dahil walang nagbabantay at nagsisinop ng mga puno sa panahon ng digmaan, walang humpay ang naging pagkasira ng mga kagubatan. Ito ang inabutang sitwasyon ng mga Amerikano bilang bagong kolonisador ng bansa at bagong tagapamahala ng mga kagubatan.

ANG PAGTATAG NG INSTITUSYON SA PAGGUGUBAT: ANG FORESTRY BUREAU (1900)

“Pagkontrol ng Tao, Pagkontrol ng Puno” (Peluso 1990) (akin ang salin).2 Ang Forestry Bureau ang isa sa mga unang ahensyang naitatag sa ilalim ng kaayusang Amerikano. Si Kapitan George Ahern ng Ikasiyam na U.S. Infantry ang itinalagang Unang Direktor nito sa bisa ng Military General Order Bilang 50, may petsang Abril 14, 1900 (Philippine Commission 1904b, 7). Noong simula, ang Kagawaran ay nasa ilalim ng superbisyon ng War Department, ngunit inilipat ito sa kontrol ng bagong-tatag (sa bisa ng Act No. 222 ng Philippine Commission) na Department of Interior noong Setyembre 6, 1901 (Latihan 1975, 14). Ayon sa artikulo ni Greg Bankoff (2009, 375), “kaiba sa mga iba pang mananakop sa Timog Silangang Asya, ang namana ng mga Amerikano ay kapwa isang masiglang kalakal para sa troso at isang modernong departamentong pangkagubatan” (akin ang salin). Bago pa man dumating ang mga Amerikano, mayroon nang mga naitatag na estasyon ng mga Español na matatagpuan sa mga sumusunod na lalawigan: (1) Aparri, Cagayan; (2) Iloilo, Panay; (3) San Fernando, Pampanga; (4) Baguio, Benguet; (5) Malabon, Maynila; (6) Batangas, Batangas; (7) Subig, Zambales; (8) Tarlac, Tarlac; (9) Laguimanoc, Tayabas; (10) Arayat, Pampanga; (11) Angeles, Pampanga; (12) Aringay, La Union; (13) Guinayangan, Tayabas; (14) Laoag, Ilocos Norte; (15) Legaspi, Albay; (16) Pasacao, Camarines Sur; (17) Lingayen, Pangasinan; (18) Orani, Bataan; (19) Cebu, Cebu; (20) Calumpit, Bulacan; at (21) Lucena, Tayabas. Sa ulat ni Ahern, na may petsang Mayo 16, 1901, binanggit niya ang mga hakbang na kanyang isinagawa upang mapasimulan na ang operasyon ng Bureau of Forestry sa Pilipinas; pinakamahalaga rito ang pagkuha ng mga tauhan. Upang makakuha ng mga tauhan, nagpadala ang Bureau ng mga pabatid sa mga dating opisyal ng IGM upang maghain ng aplikasyon kung ibig nila. Kinilala ni Ahern na ang mga ito ay pamilyar na sa bansa at sa kagubatan nito, kaysa kung kukuha pa sila ng mga taggapaggubat mula sa ibang bansa. Bunga nito, nakuha ni Ahern ang kailangan niyang apat na tagapaggubat, dalawang tanod-gubat, isang estenograpo at isang tagasalin (War Department 1901, 391-396; MGPI 1901, 1-13). Ngunit naharap si Ahern sa ilang balakid sa mga Pilipinong naging tauhan niya sa Kagawaran dahil sa dalawang mahalagang dahilan. Una, ang pagtanggi ng mga itong madestino sa mga lalawigan. Tinatanggihan ang paglilipat na ito dahil ayon sa kanila, malalagay sila sa panganib mula sa mga rebelde dahil ang malaking bahagi ng kanilang gawain ay pangongolekta

ng buwis para sa pamahalaang Amerikano. Maaaring mangahulugan ito ng kamatayan para sa mga kawani dahil sa panahong ito, hindi pa humuhupa ang pag-aaklas sa mga lalawigan ng mga rebolusyonaryong Pilipino bilang patuloy na pagtutol sa pamamalagi ng mga Amerikano sa Pilipinas. Ikalawa, ang kakulangan ng mga Pilipino ng teknikal na kaalaman sa paggugubat, kahit na dati nang naglingkod ang mga ito bilang mga tagapaggubat sa panahon ng mga Español. Bunga nito, kinailangan ni Ahern na kumuha ng tauhan mula sa Estados Unidos. Nagpadala ng kable ang Philippine Commission sa Washington upang humingi ng apat na tagapaggubat na may kasanayan na sa ganitong gawain, marunong ng wikang Español, at may sapat na kaalaman sa mga halamang tropikal. Ayon sa kanila, “napakahalagang mapunuan ng mga responsable at kalipikadong mga puti ang mga estasyong sentro ng industriya ng pagtotroso sa mga islang ito kung nais nilang magamit ito nang mahusay, at kung inaasahan ng Pamahalaan na makatanggap ng tamang buwis para sa mga trosong pinutol mula sa lupain ng estado” (Philippine Commission 1904b, 73) (akin ang salin). Ang isa pa nilang opsyon ay ang pagkuha ng ekspertong tagapaggubat mula sa Alemanya, India, o Java, ngunit ang mga suweldo nito ay halos triple na sa kanilang sariling bayan kung ihahambing sa ibinibigay ng mga Amerikano sa mga tauhan nito sa Pilipinas (War Department 1901, 392). Bunga ng kawalan ng iba pang opsyon at habang hinihintay ang mga tauhang ipapadala ng Washington, minabuti ng mga Amerikano na mga Pilipino na lang muna ang patuloy na kunin, hanggang sa panahon na makapagsanay pa sila ng iba pang tauhan sa agham ng paggugubat.

ANG PAGBISITA NI GIFFORD PINCHOT (1902)

Isang mahalagang kaganapan para sa Kagawaran ang pagbisita ni Gifford Pinchot sa Pilipinas noong Oktubre 1902. Si Pinchot ang Hepe ng Forestry Bureau sa Estados Unidos at ang kanyang misyon ay siyasatin ang mga yamang-gubat ng Pilipinas. Kaugnay nito, hiniling din ng pamahalaang Amerika na suriin nito ang kalagayan ng kagubatan ng Pilipinas. Anim na linggo niyang nilibot ang piling mga kagubatan sa buong Pilipinas—mula Aparri hanggang Bongao, Tawi-Tawi. Ang kanyang rekomendasyon na resulta ng inspeksyong ito ang naging batayan ng maagang patakarang panggubat ng mga Amerikano sa Pilipinas. Ilan sa pinakamahalagang punto ng ulat niya ay ang mga sumusunod: rebisyon ng Regulasyong Panggubat; pahabain ang bisa ng mga inilalabas na lisensya mula isang taon tungo lima o sampung taon upang mahikayat ang mga magtotroso at may-ari ng mga lagarian na maglabas ng mas malaking kapital sa paggamit ng kagubatan; bawasan ang singil na buwis sa mga produkto ng kagubatan; magtatag ng tatlong estasyon na gagamitin para sa pagsisinop at pag-aaral ng iba’t ibang uri ng troso;

pagtatalaga ng isang bapor o steamer na gagamitin para sa regular na inspeksiyon ng mga distritong panggubat; at pagtatatag ng isang eskuwelang panggubat para sa pagtuturo at pagsasanay ng mga local (Philippine Commission 1904a, 315-316).

ANG PAGBUBUO NG MGA REGLAMENTONG PANGKAGUBATAN (1904)

Ang mga batas na ipinanukala ng mga Español ay isinalin sa Ingles at tinipon, na halos walang pagbabago, ng mga Amerikano. Sinimulan itong ipinatupad ng mga Amerikano noong Hulyo 1, 1900, at inilathala bilang Pangkalahatang Kautusan (General Order) Bilang 92, mula sa Opisina ng U.S. Gobernador Militar ng Pilipinas, Maynila, may petsang Hunyo 27, 1900 (Philippine Commission 1904a, 393). Limang buwan matapos na maitatag ang Bureau of Forestry, inimbestigahan ng Philippine Commission ang pagpapatakbo nito. Natuklasan ng Komisyon na walang itong pagtatangkang ipatupad ang mga reglamentong pangkagubatan sa labas ng isla ng Luzon, marahil nga dahil sa kakulangan ng mga tauhan. Bunga nito, madaliang inayos ng Komisyon ang Kagawaran upang higit na maging epektibo ito. Binigyan ito ng mga karagdagang kawani tulad ng inspektor at katuwang na mga tagapaggubat, at “aktibong hakbang ang ginagawa upang maitalaga ang mga ito sa mga estasyon sa buong kapuluan sa lalong madaling panahon” (Philippine Commission 1904b, 72) (akin ang salin), na maaaring ipakahulugan na inakala ng mga hukbong Amerikano na “napatahimik” na nila ang mga rebolusyonaryo ng mga lalawigang ito. Isa pang inayos ng mga bagong mananakop ay ang patakaran ng pagbibigay ng mga lisensyang nagbibigay-pahintulot sa paggamit ng lupain ng estado. Ang mga lisensya para kumuha ng yamang-gubat mula sa pampublikong lupain ay may bisa ng isang taon lamang. Sa aplikasyon, kailangang nakapahayag ang espesipikong yamang-gubat na kukunin at ang distrito kung saan kukunin ito, na dapat aprobahan ng isang opisyal ng paggugubat. Binigyan din ng lisensya ang mga nangangailangang residente ng bawat distrito na tinawag namang gratuitous license. Upang makakuha nito, kailangang ipadala ang aplikasyon sa presidente ng bayan ng aplikante. Ang presidente ang siyang gagarantiya na ang aplikanteng ito ay walang kakayahang magbayad para sa kukuning troso, bago ito bibigyan ng pag-aproba ng opisyal ng paggugubat. Ang lisensya ay may karampatang limitasyon na hindi hihigit sa 1,000 talampakan kubiko na sukat para sa mababang kalidad ng torso (War Department 1901, 39). Para naman sa mga indibidwal na may pribadong pag-aari ng gubat, kailangang iparehistro ng mga ito ang kanilang mga titulo, upang malaya silang makapagputol at makapagbenta ng troso at yamang-gubat sa publiko.

Kailangan din itong pagtibayin ng presidente ng bayan na galing nga sa pribadong gubat ang mga produktong ilalabas bago ito pahintulutang ibenta ng pamahalaan. Ayon sa ulat, pitumpu’t apat (74) na pribadong gubat ang ipinarehistro, kung saan may kabuuang sukat ito na 125,000 acres (MGPI 1901, 6-7).3

Ang Regulasyong Panggubat na isinabatas noong Mayo 7, 1904, ay itinuturing na isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapaunlad ng patakarang pangkagubatan ng mga Amerikano sa Pilipinas. Kilala din bilang Act No. 1148, ang Regulasyong Pangkagubatan (Forest Act) “ang kumakatawan ng apat na taong karanasang praktikal sa paggugubat [ng mga Amerikano] sa Pilipinas” (Philippine Commission 1905, 31) (akin ang salin). Sa pagsasabisa ng Batas Jones sa Pilipinas noong Agosto 29, 1916, nailipat na sa Senado at Kongreso ang kapangyarihan upang magpanukala ng mga batas. Sa kasamaang-palad, mahigpit at limitado ang mga batas na maaaring ipanukala ng mga Pilipinong mambabatas para sa kagubatan, lupain, at minahan; anumang batas na tumutukoy sa tatlong erya na ito ay kailangan pang ipadaan sa Pangulo ng Estados Unidos bago maaprobahan (DFPI 1917, 6).

ANG KUMPERENSYA NG MGA TAGAPAGGUBAT (1906)

Isa pang kontrol sa paglilipat ng kaalaman at pagsasanay ng mga tauhan ng Bureau ay ang pagdalo sa Kumperensya ng mga Tagapaggubat. Taunang pagtitipon ito ng mga forest ranger mula sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas upang magbahagi ng mga karanasan at partikular na suliranin sa kanilang mga estasyon. Noong Hunyo 1906, naganap ang Unang Taunang Kumperensya ng mga Tagapaggubat sa Maynila upang talakayin ang mga usapin sa kagubatan ng Pilipinas. Sa kumperensyang ito, nagtalaga ng mga komite upang bumuo ng isang Primer tungkol sa Kagubatan ng Pilipinas; upang siyasatin ang pangangailangan ng bawat distrito ng kagamitan (field equipment); at upang talakayin at magmungkahi ng uniporme para sa mga opisyal ng paggugubat. Bukod sa mga Tagapaggubat, dumalo rin ang mga kinatawan ng Asosasyon ng mga Magtotroso ng Pilipinas, Bureau of Lands, Bureau of Internal Revenue, at isang botaniko mula sa Bureau of Science, na siyang tumalakay ng tamang pangongolekta ng mga espesimeng botanikal sa bansa (DFPI 1917, 17-18). Isa sa mga napagkaisahan nilang resolusyon ay pagpapatigil ng pagbibigay ng permiso para magkaingin sa pampublikong kagubatan, at sa halip ay ipatupad sa mga lokal na residente ang paghapag na lamang ng aplikasyon sa homestead. Layunin ng hakbang na itong hikayatin ang pagtira sa isang permanenteng lugar upang dito na lamang magsaka, sa halip na ipagpatuloy nila ang paglipat-lipat ng tirahan. Bilang halimbawa, tinanggal na ang

pagbibigay ng permiso sa mga may-ari ng pribadong gubat na magkaingin sa kanyang sariling lupain (DFPI 1917, 17), at gamitin ang lupaing ito sa pagsasaka. Kaugnay sa usapin sa pampublikong kagubatan, binanggit sa Kumperensya na ang mga kagubatan sa loob ng mga reserbasyong militar ng Amerika ay hindi nasasakop ng mga batas at regulasyong panggubat ng Pilipinas, na “ang Komisyon [ng Pilipinas o Philippine Commission] ay walang awtoridad na ilapat ang mga Batas Panggubat sa mga reserbasyon ng Estados Unidos” (akin ang salin).4 Ayon kay L.R. Wilfley, Abogado-Heneral ng Kalihim ng Interyor, “malinaw na ang mga reserbasyong militar at hukbong-dagat ay hindi ‘reserbasyong panggubat’ ayon sa kahulugan ng termino batay sa paglalarawan at paggamit nito sa Regulasyong Panggubat—na ang lahat ng pampublikong gubat ay pampublikong lupain. Ang mga reserbasyong militar at hukbong-dagat ay hindi pampublikong lupain dahil ito ay may espesipiko at espesyal na gamit; at dahil hindi ito pampublikong lupain ay hindi ito maaaring maging pampublikong kagubatan” (akin ang salin).5

ANG FORESTRY SCHOOL NG PILIPINAS (1910)

Malaki ang paghahangad ng Bureau na makapaghanda ng mga Pilipino na maaaring bigyan ng posisyon na Tagapaggubat (forester) dahil tunay na malawak at marami pa ang dapat mamonitor na kagubatan sa Pilipinas. Noong simula, upang malutas ang suliranin sa kakulangan ng tauhan, kumukuha ng mga estudyante ang Bureau kung bakasyon ang mga ito sa paaralan, upang maging katuwang sa pagkuha ng mga espesimen o pag-aaral ng mga produkto ng kagubatan. At upang makuha pa ang interes ng kabataan sa gawaing pangkagubatan, ito ay nagbigay ng mga seminar, kapwa sa estudyante at mga residente. Bukod pa sa nabanggit na seminar, namigay rin ito ng mga polyeto ng kanilang mga publikasyon. Ang pagbubukas ng Forestry School ang hudyat ng pagsisimula na ng panibagong kabanata sa kasaysayan ng kagubatang kolonyal ng Pilipinas. Nang itatag ang Forestry School sa Kolehiyo ng Agrikultura noong 1910 sa bagong kampus ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Los Baños, lalawigan ng Laguna, iisa lang ang layunin nito: matugunan ang mahigpit na pangangailangan ng Bureau ng mga tagapaggubat na Pilipino. Ngunit hindi ito ang unang pagtatangkang magtatag ng isang eskuwelang pangkagubatan. Noong simula, isa sa pinakaunang mungkahi na isinumite sa Komisyon ng Pilipinas ay ang pagtatatag ng Forestry School sa Cabcaben, Bataan. Sa bayan ng Lamao kasi unang nagkaroon ng isang forest reserve noong 1905. Bunga ng palagiang kakulangan sa tauhan para sa mga distritong-panggubat, nag-organisa ng maikli at impormal na kurso sa paggugubat sa isang trosohan (lumberyard) sa Bataan noong 1908. Ngunit sa pagkakatatag ng Kolehiyo ng

Agrikultura ng UP noong 1909 sa Los Baños, Laguna—kung saan ilang pundasyong kurso na kailangan din sa paggugubat ay itinuturo na—naging praktikal na gawin na lamang isang yunit ng kolehiyo ang Forestry School.6 Noong 1910, isang panukala ni Jaime de Veyra ang ipinasa ng Lehislatura ng Pilipinas bilang Act No. 1989, na nililikha ang Forestry School sa Kolehiyo ng Agrikultura para sa pagsasanay ng mga tauhang papasok sa serbisyo ng paggugubat. Ang Forestry School ang pinakaunang naitatag sa buong rehiyon ng Timog Silangang Asya, at nauna ng isang taon sa Eskuwela ng Paggugubat ng Unibersidad ng Adelaide sa Australia (Walang May-akda w.tn., 2). Matapos na maitatag ang Forestry School, ginawang kaakibat na mga ahensya ang Museong Panggubat at ang mga Pabinhian at Patubuan na siyang mag-aaral at susuri sa iba’t ibang uri ng kahoy-tropikal sa Pilipinas. Hinikayat din ang paglahok sa mga Eksibit-Panggubat upang pag-aralan, suriin, at ikalakal ang mga trosong natagpuan nila sa Pilipinas. Ang nag-iisang museo ng troso at tabla ay bahagi ng Museo ng mga Produktong Panggubat na matatagpuan sa Calle Anloague. Itinuring ng Kagawaran na isa ito sa pinakamahalagang haligi ng kanilang gawain, dahil ipinapakita nito ang “matingkad na katangian ng trosong Pilipino” sa mga bisitang Amerikano at ibang dayuhan (DFPI 1912, 19). Hindi rin nag-aksaya ng panahon ang mga Amerikano sa pagtatatag ng aklatan para sa kanilang mga publikasyon tungkol sa kagubatan ng Pilipinas. Ang koleksyon ng kaalaman tungkol sa kagubatan ng Pilipinas na nilikom ng mga Español ay nasunog noong 1897. Sa ulat ni Ahern, nagbanggit siya ng 31 aklat na kanila nang nailagay sa aklatan, kabilang ang akda ni Francisco Manuel Blanco na Flora de Filipinas (apat na tomo); R. Allen Rolfe na On the Flora of the Philippine Islands; at Sebastian Vidal y Soler na Flora Forestal de Filipinas. Ipinaunawa ng mga Amerikano sa mga kinatawan ng Kongreso ang kahalagahan ng ahensya para sa pagdadala ng kaunlaran at kasaganaan ng Pilipinas. Noong Oktubre 26, 1915, idineklara ng Kongreso ng Pilipinas ang Act No. 2578, na siyang mag-aalis sa Eskuwelang Panggubat mula sa pagiging bahagi lamang ng Kolehiyo ng Agrikultura, upang maging hiwalay na Kolehiyo ng UP sa Los Baños. Itinakda rin ng dekreto na ang Direktor ng Forestry Bureau ang siyang magiging ex-officio na Dekano ng bagong-tatag na Kolehiyo ng Paggugubat (DFPI 1912, 11). Sina Antonio Racelis at Aniceto Villamil ang unang dalawang Pilipino na nakapagtapos ng Batsilyer sa Agham ng Paggugubat mula sa Kolehiyo noong 1915 (DFPI 1912, 28). Sa pagtatapos ng ikalawang dekada ng pamamahala ng mga Amerikano sa kagubatan ng Pilipinas, masasabing halos buo na ang kanilang kaalaman sa mga punong pinagkukunan ng troso. Kaya naman, sinimulan na rin nilang tingnan at ikatalogo ang iba pang yamang-gubat ng bansa. Sa mga taong 1918-

1919, walong boletin ang inilathala ng Bureau (DFPI 1920, 25).7 Bukod pa rito, sinimulan ding ikatalogo ng mga mag-aaral ng Forestry School ang mga halaman na matatagpuan sa Bundok Makiling (DFPI 1919, 26). Malinaw na lahat ng hakbangin upang maitatag ang mga institusyong magsisilbing kontrol sa pangangalap ng kaalaman tungkol sa kagubatan – mula sa pagtatatag ng Bureau of Forestry hanggang sa Forestry School at mga kaugnay na opisina nito – ay balak hawakan nang ganap ng mga Amerikano. Mahalaga na ito ay kanilang matutuhan at maikatalogo upang magsilbing gabay sa susunod na tunguhin ng kanilang kontrol sa kagubatan: ang eksplotasyon at komersyalisasyon ng mga yamang-gubat ng Pilipinas.

ANG LOKAL NA MERKADO PARA SA TROSO (1917)

Ayon sa Taunang Ulat ng 1917, “tumaas ang produksyon ng mga tistisan ng walong milyong tablang talampakan,” sa kabila ng pagbaba ng pag-aangkat mula sa Estados Unidos at Tsina. Ipinaliwanag ito ng mabilis na pag-akyat ng bilang ng konstruksyon sa Pilipinas, kapwa ng tirahan at pabrika, dulot na pagdami ng mga bagong industriya. Sa Mindanao, dahil sa pag-unlad ng mga plantasyon ng abaka at niyugan, maraming Pilipino ang nanirahan at lumipat sa dating mga bakanteng lupain. Sa Visayas at Luzon, ang naging katalisador ng konstruksyon ay ang pagdami ng mga azucarera at pabrika ng langis ng niyog. Maging ang Dibisyon ng Quartermaster ng Estados Unidos ay bumili ng lahat ng kanilang kailangang kahoy—mula 300,000 tablang talampakan hanggang 6 na milyong tablang talampakan—para sa pangangailangan ng buong hukbo (DFPI 1918, 40-41). Nakatulong din na ang Direktor ng Kagawaran ang itinalagang Tagapangulo ng Komite sa Paggawa ng Barko. Bukod sa anim na pagawaan ng barko sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ang pagawaan sa Bolinao, Pangasinan ay nagsilbing training ground ng iba pang nagnanais na pumasok sa industriyang ito (DFPI 1918, 48-49).

ANG HAMON SA KONTROL NG KAGUBATAN (1919-22)

Nagsimula ang ikatlong dekada sa halos lugmok na kalagayan ng ekonomiya ng maraming bansa dulot ng Digmaan sa Europa mula 1914-1918. Sa Pilipinas, partikular sa sektor ng paggugubat, himalang nakabuti sa industriya ang digmaang ito. Sa nasabing panahon, tumaas ang pangangailangan sa lokal na kahoy para sa paggawa ng mga barkong pandigma na ginamit ng Amerika. Nang matapos ang digmaan sa Europa, bumaba na ang pangangailangan sa troso at nagdulot ito ng ilang bagong suliranin para sa Bureau. Dulot ng pangamba ng mga lokal sa panahon ng digmaan, lumaganap ang “kalakaran ng mga tao na hawakan ang mga lupaing pangtroso batay lamang sa

espekulasyon, at walang espesipikong intensyong ito ay personal na patakbuhin o pondohan ng kapital para sa operasyon” (Fischer 1922, 9-10) (akin ang salin). Samakatwid, pinababayaang nakatiwangwang at hindi tinatamnan ang mga lupain habang nasa kontrol ng mga pribadong partido. Sa paglaganap ng mga “bakanteng” lupa, dumagdag pa sa suliranin ng Bureau ang pagdami ng mga iskuwater. Upang matugunan ito, kinontrol ng Bureau ang pagsulputan at pagdami ng mga iskuwater sa loob ng mga lupaing pangtroso sa pamamagitan ng paglalabas ng mga “permisong manirahan” o residence permit na nagtatakda ng kaukulang upa sa paggamit ng mga ito. Samantala, kahit bumagsak ang pangangailangan sa troso, tumaas naman ang pangangailangan sa iba pang produkto ng kagubatan tulad ng tanbark, dyebark, wood oil, gogo, at guano (Fischer 1922, 10). Nagpatuloy ang pagbagsak ng industriya ng troso hanggang sa taong 1922. Ilan sa mga ibinigay na paliwanag ni Arthur Fischer, pumalit kay Ahern bilang Punong Tagapaggubat ng Pilipinas, sa patuloy na depresyong ito ay ang pag-atake ng salot na rinderpest at balang, bagsak na ekonomiya, sobrang suplay ng troso sa mga merkado, at mahigpit na kompetisyon sa pagitan ng malalaking negosyante ng torso (Fischer 1922, 9).

ANG PANDAIGDIGANG MERKADO PARA SA TROSO (1923)

Nagbago ang ihip ng hangin para sa kalakal ng troso simula 1923. Tila nagbunga na rin ang pagsali ng Bureau sa mga pandaigdigang eksibit at malawakang pamamahagi ng mga polyeto at iba pang publikasyon sa publiko. Matapos ang depresyong pang-ekonomiya na dulot ng digmaan, bumalik ang aktibong pag-aangkat ng Estados Unidos ng mga troso mula sa Pilipinas simula sa taong 1923 hanggang taong 1929. Partikular ang interes ng Estados Unidos sa ating mga primera klaseng troso na mas kilala sa Amerika bilang Philippine mahogany. Kabilang sa grupong ito ang pula at puting lauan, tangile, at apitong (Fischer 1927, 62-63). Maging ang Inglatera ay naging aktibo sa pag-aangkat ng troso. Dalawang taon ding tinangkilik sa Inglatera ang mga troso na galing Pilipinas—mula 1923 at 1924. Ayon sa ulat ni Fischer (1926, 67), “indikasyon ito ng interes na ipinakita ng merkadong iyon sa mga trosong galing ng Pilipinas kumpara sa katulad nitong produkto na galing sa ibang bansa” (akin ang salin). Bumagsak lamang ito ng mga taong 1925 at 1926 dahil sinimulang paunlarin ng mga Ingles ang industriya ng pagtotroso ng Borneo, at ang mga trosong ito din ang ipinampalit ng mga Ingles sa mga trosong inaangkat ng mga hawak nitong kolonya tulad ng Australia at Hongkong (Fischer 1928, 96). Samantala, isang di-inaasahang bansa ang naging importanteng kliyente ng Pilipinas sa kalakal ng troso. Kapansin-pansin ang mabilis na pagtaas ng pag-

aangkat ng troso ng bansang Hapon sa Pilipinas para sa mga taong 1923 at 1924. Nangailangan ang bansang ito ng malaking suplay ng kahoy upang magamit sa konstruksyon ng kabahayan at mga gusali na nasira ng napakalakas na lindol sa Tokyo at Yokohama noong Setyembre 1, 1923. At dahil biglang naging mahalagang merkado ang bansang Hapon para sa mga troso, nagpadala ang Bureau—sa pakikipagtulungan sa Philippine Lumberman’s Association—ng isang Tagapanggubat sa Hapon upang pag-aralan ang mga pangangailangan at espesipikasyon ng mga industriyang pangkahoy ng bansang ito (Fischer 1926, 66-67). Isang mangangalakal na Hapon, si Yeikichi Inamura ay naging tulay ng Hapon sa Pilipinas upang higit na lumaki ang bolyum ng mga iniluluwas nating troso sa bansang ito. Dahil sa pagpupunyagi ni Inamura, bukod sa nabuksan na ang mga liblib na kagubatan ng Casiguran at Polillo (ng lalawigan ng Tayabas) sa pandaigdigang kalakalan, inayos pa niya na ang tatlong pinakamalaking lagarian ng Pilipinas ang magsilbing pangunahing suplayer ng mahusay na troso sa katamtamang presyo upang mahikayat ang mga mamamayang Hapon na ito na lamang ang bilhin at gamitin (Fischer 1928, 59). Isa pang bagong merkado ng iniluluwas na troso sa panahong ito ay ang Australia. Nagsimula ang aktibong pag-angkat ng Australia noong 1923 at dumoble pa ang bolyum ng inaangkat nilang troso mula sa Pilipinas sa susunod na dalawang taon, 1924 at 1925. Katulad ng Amerika, ang partikular na uri ng troso na inaangkat ng Australia mula sa Pilipinas ay ang mga primerang klase nating mga kahoy, na tinawag naman nilang Philippine maple (Fischer 1927, 62-63). Bumaba lamang ang pag-angkat ng Australia simula taong 1926 dahil sa ipinatupad na patakaran ng Inglatera na sa Hilagang Borneo na kumuha ng pangangailangang troso ang mga kolonya nito. Bukod sa dahilang ito, itinaas din ng pamahalaan ng Australia ang ipinataw nitong buwis para sa lahat ng inaangkat na torso (Fischer 1928, 96). Taong 1923 nang magsimulang bumalik ang sigla ng ekonomiya ng Pilipinas, partikular sa industriya ng troso. Mabilis na yumabong ang kalakal ng troso, kapwa sa lokal at pandaigdigang merkado. Sa taong 1924, kapansin-pansin ang naging mabilis na pagtaas ng kalakal ng troso sa mga daungan ng Visayas. Ayon kay Fischer (1925, 65), sa taong ito, nagkaroon ng “pagtaas ng aktibidad sa konstruksyon ng mga asukarera sa lalawigan ng Negros at mga patuyuan ng abaka sa mga lalawigan ng Samar at Leyte” (akin ang salin). Sa taong 1925, ang nagdulot ng pagtataas ng pangangailangan sa troso ay ang malawakang pagpapagawa ng mga bahay (home-building boom) (Fischer 1926, 62) sa Luzon at Visayas dahil na rin sa pag-unlad at pagsagana ng mga lokal na industriya. Kaya naman sa panahong ito, tumaas ang presyo ng mga trosong pang-konstruksyon, partikular ang mga espesye tulad ng ipil at yacal (Fischer 1926, 62).

Ang pagsigla ng industriya ng pagtotroso ay sumalamin sa kasabay na pagbalik sa kalusugan ng ekonomiya ng Pilipinas. Sa Taunang Ulat ni Fischer sa taong 1927, buong pagmamalaki niyang iniulat ang sumusunod na mga ebidensiya ng isang aktibong industriya ng pagtotroso sa Pilipinas:

Maliban sa ilang kataliwasan, lahat ng may-ari ng mga palagarian mula hilagang Luzon hanggang katimugang Mindanao ay naglagak pa ng mas malaking kapital sa pamamagitan ng pagpapalaki o pagpapaunlad ng kanilang kasalukuyang pabrika at negosyo sa pagtotroso. Ang mga idinagdag na kagamitan o binili at ikinabit na makinarya ay maaaring mula sa pinakamaliit na trimmer hanggang sa pagpapatayo ng bagong lagarian. Anumang pagpapaunlad o pagpapalawak sa pagpapatakbo ng operasyon sa pagtotroso sa taong ito ay maaaring sa porma ng pagpapalawak ng mga lumang kalsada, pagpapagawa ng mga tulay, at pagbubukas ng mga birheng-kagubatan para sa malawakang pagtotroso; samantalang ang mga idinagdag sa mga kagamitang pantroso ay magmula sa pagbili ng mga bagong palakol at lagari hanggang sa pagbili ng mga makabagong makinarya at traktora. Ang paghahatid ng mga troso na ginagamit ang mga tubigan ay napaunlad din at napalawak. Maraming pabrika ang nakabili ng mga barkong-pasingaw para sa pangunahin, kung hindi man eksklusibong, pangangalakal ng torso (Fischer 1929, 68) (akin ang salin).

Nagpatuloy ang ganitong pagsagana hanggang sa taong 1928 at unang hati ng 1929. Bukod pa sa patuloy na konstruksyon ng mga bahay, pabrika, at asukarera, mahalagang banggiting sa taong 1928 ay sinimulang pahabain ng Manila Railroad ang riles ng tren hanggang sa rehiyon ng Bikol na nakatulong sa patuloy na pagtaas ng pangangailangan sa kahoy ng lokal na merkado (Fischer 1930, 72). Magiging maikli ang katiwasayang naranasan ng bansa. Noong 1929, bumagsak ang Merkadong ng Saping-Puhunan ng New York (New York Stock Exchange) at nakaapekto ito sa ekonomiya ng buong daigdig, kasama ang Pilipinas. Kakambal ng pagbagsak ng ekonomiya ang pagbabago ng patakarang pangkagubatan na ipinatupad ng Amerika sa Pilipinas—ang pagmumuling-gubat at konserbasyon.

ANG SIMULAIN NG PROGRAMANG REFORESTATION SA PILIPINAS

Hindi ang mga Amerikano ang unang nakaisip ng idea na kailangang muling tamnan ang mga pinaggubatang erya sa Pilipinas. Ayon sa artikulo ng isang “J.F.N.” (Nano 1941, 2-5), iminungkahi na ito nang ilathala ng Comisión de la Flora de Filipinas “ang mga kautusan at regulasyong naglalayon at nagtatakda, bukod sa iba pang bagay, ng isang balangkas para sa paghahanda ng isang malawakang plano para sa reforestation ng Pilipinas” (akin ang salin). Ang nalathalang akda ay binubuo ng mga sumusunod na datos: isang katalogo ng mga natagpuang espesye at paglalarawan nito; isang pagbubuod ng mga pamilya at genera ng ilang halaman—isang tomo na may 400 pahina at may atlas ng 100 plato na naglalaman ng larawan ng 1,900 iba’t ibang espesye ng halaman; at isang katalogo at libreto na naglalarawan ng halaman ng Arkipelago na dinala sa Pandaigdigang Eksibit sa Amsterdam noong 1883 (Nano 1941, 2-3). Ngunit, ayon pa rin kay “J.F.N.,” hindi nakita ang rekord ng ginawang reforestation ng mga Español sa Ulat ng Comisión, dahil malamang, wala naman talagang aktwal na nagawang reforestation ang mga kolonisador (Nano 1941, 3). Sa pagkakatatag ng Forestry Bureau noong 1900, sinimulan ni Ahern na magtatag ng mga binhian (nursery) sa Lambak ng Lamao, Limay, Bataan noong 1903, na naging daan upang ito rin ang unang maideklara na Reserbadong Kagubatan noong 1904. Bagama’t hindi ito talaga ang programang “reforestation,” ipinakita nito ang inisyal na pagtatangka ng Bureau tungo sa patakarang ito (Nano 1941, 3). Higit na naging kongkreto ang programang ito noong 1910 nang maglagay ng mga patubuan ang Bureau sa Baguio, Bataan, Los Baños, at Hilagang Negros; lalo na nang pasimulan ang Plantasyong Panggubat (Forest Plantation) sa lupaing kinalalagyan ng Forestry School bilang bahagi ng mga kursong Silbikultura at Pamamahala. Noong Hunyo 1916, sa ilalim ng bisa ng Act No. 2649 at pondong PhP 10,000 upang muling tamnan ang mga lupaing nakuha ng gobyerno mula sa mga prayle, sinimulan ang reforestation ng Estado ng Talisay-Minglanilla sa Cebu (Nano 1941, 3).8 Dahil humanga ang mga opisyal ng pamahalaan sa tagumpay ng programang ito, muling ipinatupad ang proyektong ito sa mga lalawigan ng Zambales at dalawang Ilocos noong 1918 (Nano 1941, 3). Ilan pang mahahalagang proyekto ng reforestation ang ginawa ng Bureau sa mga sumunod pang taon. Mahalagang banggitin dito ang Bukidnon Quinine Plantation at ang Reforestation ng Lambak ng Agno na kapwa sinimulan noong 1927. Binigyan ito ng pondo ng Kongreso ng PhP 50,000 sa ilalim ng

Reforestation Act No. 3283 (Nano 1941, 3). Dahil sa pondong inilaan dito, naging mabilis ang pagpapatupad ng mga proyektong reforestation sa iba pang bahagi ng Pilipinas. Ayon sa Taunang Ulat ng Kalihim ng Agrikultura at Likas na Yaman noong 1931, sa bisa ng Act No. 3285, isang proyekto ang nasimulan, dalawa ang napondohan, at dalawa pang kooperatibang-taniman (planting cooperative) ang naitatag. Ang kabuuang eryang nataniman sa taong ito ay umabot ng 197 hektarya (DANR 1932, 41). Taong 1932 naman sinimulan ang proyekto ng reforestation ng San Carlos-Calatrava sa Negros Occidental. Naubos ang puno sa kagubatang ito dahil sa kaingin. Sa eryang may sukat na 108.82 hektarya, itinanim ang mga binhi ng ipil, mahogany, molave, narra, at teak. Sinimulan ang pagtatanim mula Agosto 23 hanggang Setyembre 9, 1932, at nataniman ito ng 6,720 mga binhi (Tamesis 1933, 449).

ANG PAGBABAGO NG PATAKARANG REFORESTATION BILANG TUGON SA MGA PANLIPUNANG SULIRANIN

Ang ikaapat na dekada ay binuksan ng bagsak ng kalagayan ng ekonomiya ng Amerika. Bilang mananakop at pangunahing trade partner ng Pilipinas, naapektuhan ang bansa ng malawakang paglugmok ng ekonomiya ng buong daigdig. Sa pagbagsak ng ekonomiya, sumunod agad ang pulitikal at panlipunang pagkabalisa ng mga mamamayan. Naging mitsa ito upang umabot sa rurok ng pagkabalisa ang mga pesante, manggagawa, at magsasaka na patuloy na nasadlak sa kahirapan. Sa Amerika, naging makabuluhan ang pagbagsak ng ekonomiya dahil naging hudyat ito ng simulain sa pagsisinop ng kagubatan. Ngunit ang pagmumuling-gubat bilang proyekto ay ipinatupad bilang sagot sa dalawang krisis: una, upang mabigyan ng hanapbuhay ang mga naapektuhan ng pagbagsak ng ekonomiya; at ikalawa, upang matugunan ang pagkaubos ng troso at iba pang yamang-gubat ng Amerika. Ang matagumpay na konserbasyong ginawa ng Amerika upang mabigyan ng hanapbuhay ang kanilang mga mamamayan ay agad na ipinatupad ng Amerika sa kanyang mga kolonya. Kambal na layunin ang naging insentibo ng Amerika upang isulong ang programa sa pagmumuling-gubat: una, muling maparami ang kagubatan upang hindi mahinto ang suplay ng matitibay na punong dipterocarp bilang pangunahing produktong-gubat na inaangkat ng maraming bansa; at ikalawa, kontrolin ang mabilis na pagdami ng mga unyong-manggagawa, maralitang magsasaka at pesante, mga grupong komunista, at mga taong-labas sa pamamagitan ng pag-aalok sa kanila ng mga permanenteng trabaho sa kagubatan.

Sinimulan ang reforestation sa mga erya na kritikal na ang kalagayan ng mga kagubatan. Kaya naman ang pondo para sa mga taong 1933 hanggang 1937 para sa reforestation ay inilaan sa pagpapanatili ng pitong proyekto na nasimulan na sa mga kalbong kagubatan ng Ilocos Norte at Ilocos Sur, Pangasinan, Pampanga, Nueva Vizcaya, Cebu, at Bukidnon—mga sentro rin ng lokal na pag-aaklas. Taong 1936 nang mabigyan ng suportang pinansyal ang iba pang proyekto sa reforestation ng Departamento at nagamit ito sa iba pang erya sa buong Pilipinas. Sa paghupa ng mga kilusang panlipunan sa pagtatapos ng dekada at pagsisimula ng pamahalaang Komonwelt, hindi na nadagdagan ang pondo para sa proyektong reforestation; bagkus, ginamit na lamang ito upang panatilihin ang mga sinimulan na sa mga lalawigan.

PAGPAPASINAYA NG MGA PAMBANSANG LIWASAN (NATIONAL PARK) SA PILIPINAS (1932)

Higit sa pagsisinop ng kagubatan at pagtatanim muli ng mga ito, ang mas matingkad na ambag ng Bureau sa mga mamamayan ay ang paglalaan ng mga kagubatang magagamit nila bilang pasyalan. Noong 1 Pebrero 1932, sa bisa ng Act No. 3915, itinakda ng pamahalaan ang pagtatatag ng mga Pambansang Liwasan (National Park) (Mabbayag w.tn., 39). Itinakda ng batas na ito ang “pagsasantabi ng isang bahagi ng kagubatan dahil sa taglay nitong ‘panoramic, historical, scientific, or aesthetic value’, dapat ialay at isantabi bilang isang pambansang liwasan para sa benepisyo at kagiliwan ng mga mamamayang Pilipino…” (Tamesis 1933, 438) (akin ang salin). Taong 1933 nang simulang iproklama ng pamahalaan ang unang tatlong national park ng Pilipinas: ang Makiling National Park, ang Roosevelt National Park, at ang Mt. Arayat National Park (Fischer 1934, 58). Sinundan ito ng 22 pa na pambansang liwasan na pinasinayaan mula 1934 hanggang 1939 (tingnan ang Hanayan 1). Mahalagang banggiting hindi limitado ang programa ng Kongreso sa pagproklama lamang ng mga national park. Naglaan din sila ng pondo upang maging matagumpay ang paggamit ng mga ito ng publiko. Sa ilalim ng Commonwealth Act No. 330, ang halagang PhP 500,000 ang inilaan ng Kongreso para sa mga kalsada papunta sa mga liwasan, bukod pa sa patuloy na pagsusulong at pagpapaunlad (development and improvement) ng kondisyon ng mga national park (Fischer 1934, 58).

HANAYAN 1 Mga Iprinoklamang Pambansang Liwasan, 1933-1939

Petsa ng pagtatatag

Prokla-masyon Blg.

Pangalan ng Pambansang Liwasan/Erya

Hektarya

Lalawigan Espesyal na katangian

23 Pebrero 1933 Proklamasyon Blg. 552

Makiling / 3,328.65 hekt.

Laguna at Batangas

Nagtataglay ng mga bagay na may pakinabang sa agham, kasama ang mainit na bukal; may 3,000 espesye ng halaman.

30 Marso 1933 Proklamasyon Blg. 567

Roosevelt / 1,485.00 hekt.

Bataan at Zambales

Kakaibang pormasyon ng bato; natural na languyan; tirahan ng ilang hayop.

27 Hunyo 1933 Proklamasyon Blg. 594

Bundok Arayat / 3,714.02 hekt.

Pampanga Tirahan ng ilang hayop; magandang klima, kilala sa mga alamat.

6 Pebrero 1934 Proklamasyon Blg. 654

Libmanan / 19.4 hekt.

Camarines Sur Kahanga-hangang kuwebang matatagpuan dito.

13 Pebrero 1934 Proklamasyon Blg. 657

Bikol / 4,225 hekt.

Pagitan ng Camarines Norte at Camarines Sur.

Katangiang “panoramic, aesthetic, and scientific features” nito, Bukod sa malawak na kagubatan ng mga punong dipterocarp.

8 Agosto 1934 Proklamasyon Blg. 721

Canlaon / 24,557.60 hekt.

Pagitan ng Negros Occidental at Negros Oriental.

Napakagandang klima, likas na yaman, at batis ng maraming alamat.

25 Oktubre 1934 Proklamasyon Blg. 740

Quezon / 535.0765 hekt.

Tayabas Mga kuweba, natural na languyan, at magandang tanawin.

7 Hunyo 1935 Proklamasyon Blg. 811

Bulkan ng Bulusan / 3,673.2928 hekt.

Sorsogon

Tanyag na bunganga ng bulkan, mainit na bukal ng tubig-mineral at kakaibang porma ng mga bato.

16 Hulyo 1935 Proklamasyon Blg. 827

Kuweba ng Callao / 192 hekt.

Cagayan Katangi-tanging kuweba at nakagiginhawang klima.

19 Hulyo 1935 Proklamasyon Blg. 831

Tulay ng Sohoton / 840 hekt.

Samar Likas na tulay na bato, kasaysayan ng lugar at libingan.

11 Abril 1936 Proklamasyon Blg. 56

Sudlon / 696 hekt.

Cebu Kahalagahang historikal, pook pangkalusugan (health resort), at lupaing-panlibingan.

9 Mayo 1936 Proklamasyon Blg. 59

Bundok Apo / 76,900 hekt.

Pagitan ng Cotobato at Davao.

Nakakagamot na mga mainit na bukal, kaakit-akit na mga bangin, at kahanga-hangang mga talon, bukod pa sa ilang hayop at hitik na palaisdaan sa kagubatan nito.

3 Hunyo 1936 Proklamasyon Blg. 65

Baguio-Bontoc / 2,398 hekt.

Mountain Province

Ang national park na ito ay sakop ng mga sub-lalawigan ng Benguet, Ifugao, at Bontoc.

16 Abril 1937 Proklamasyon Blg. 142

Kuapnit-Balinsayao 364 hekt.

Leyte Kaaya-ayang klima at kakaibang halaman at hayop sa kagubatan nito.

14 Hunyo 1937 Proklamasyon Blg. 161

Mainit na bukal ng Tongonan / 272 hekt.

Ormoc, Leyte Mainit na mga bukal, likas na languyan, hitik na ilang na hayop sa kagubatan at isda sa mga ilog nito.

27 Agosto 1937 Proklamasyon Blg. 184

Mahagnao / 635 hekt.

La Paz, Leyte Napakaraming halaman dito, ang mayamang asupre sa bunganga ng bulkang Mahagnao, sari-saring kulay ng putik, at mga bukal na may iba’t ibang init at lasa.

11 Nobyenbre 1937

Proklamasyon Blg. 220

Bongabon-Baler/ 2,356 hekt.

Pagitan ng Nueva Ecija at Tayabas

Sa taglay nitong kagubatan ng mga punong dipterocarp.

16 Nobyembre 1937

Proklamasyon Blg. 223

Biak-na-Bato / 2,117 hekt.

Bulacan Makasaysayang halaga nito, bukod pa sa mga kahanga-hangang kuweba, kabilang ang Madlum, Tangapan, Bahay-paniki, Sorosoro, at iba pa.

28 Pebrero 1938 Proklamasyon Blg. 261

Bundok Dajo /

Sulu Makasaysayang halaga nito at bilang game refuge.

20 Hulyo 1938 Proklamasyon Blg. 291

Caramoan Camarines Sur Mga kuweba nito na katatagpuan ng mga kristal, bukod pa sa isang subterranean river.

20 Hulyo 1938 Proklamasyon Blg. 292

Bulkang Mayon Albay Kahanga-hangang tanawin, at layuning maka-agham at libangan.

20 Hulyo 1938 Proklamasyon Blg. 293

Bundok Isarog Camarines Sur Resort-pangkalusugan at tanawin.

20 Hulyo 1938 Proklamasyon Blg. 294

Tirad Pass Ilocos Sur Makasaysayang halaga nito, bukod pa sa kaaya-ayang klima na tulad ng Baguio.

8 Oktubre 1938 Proklamasyon Blg. 327

Bukal Fuyot Isabela Halagang geolohiko nito.

28 Marso 1939 Proklamasyon Blg. 392

Bangin ng Pagsanjan (Pagsanjan Gorge)

Laguna Halagang geolohikal nito.

(Fischer 1933-1939)

PANGANGALAGA SA IBA PANG YAMANG-GUBAT SA PILIPINAS

Bukod sa kagubatan, binigyan din ng proteksyon at pangangalaga ang iba pang yamang-gubat ng Pilipinas. Kabilang sa mga programang ito ang sumusunod: una, pagtatatag ng Dibisyon ng Halamang-Panggubat at Pagpapastol na siyang

bagong mamamahala ng mga trabahong dating hinawakan ng ibang dibisyon, tulad ng Lupaing-Panggubat, at Mga Regulasyon, Lisensya at Pamamahala ng Kagubatan (DANR 1932, 48; Fischer 1932, 717). Ang paglikha ng hiwalay na dibisyong ito ay kinailangan upang higit na mabigyan ng atensyon ang proteksyon ng ilang hayop at isda (protection of game and fish), kasama na ang rasyonal na pamamahala ng mga pampublikong pastulan at palaisdaan, at ang pamamahala ng iba pang espesyal na gamit ng kagubatan (Fischer 1932, 719). Ikalawa, ang paglikha ng Dibisyon sa Halamang-Panggubat at Pagpapastol at ang pagtatalaga ng Direktor sa Paggugubat bilang Insular Game Warden sa bisa ng Kautusang Administratibo ng Departamento Blg. 88. Ang Game Warden ang inaasahang mamamahala ng pagpapatupad ng Batas sa Pangangaso at Pangingisda (Game and Fish Law). Ang warden din ang inatasang magtakda ng mga saradong panahon (closed season) para sa panghuhuli at pamamaril ng ilang hayop at ibon (Tamesis 1933, 547). Ikatlo, ang pagtatatag ng mga game refuge at bird sanctuary tulad ng mga isla ng Sombrero at Arenas, Puerto Princesa, Palawan (18.5297 hekt.) na itinatag sa bisa ng Proklamasyon Blg. 17, may petsang Disyembre 17, 1915; (2) ang hilaga-kanlurang bahagi ng Mindoro at Bundok Calavite (140,000 hekt.) na itinatag sa bisa ng Kautusang Pandepartamento na may petsang Pebrero 5, 1920; (3) ang Pambansang Harding Botaniko ng Makiling, lalawigan ng Laguna (3,234.604 hekt.) na itinatag sa bisa ng Kautusang Ehekutibo Blg. 47, may petsang Disyembre 4, 1920 (Fischer 1932, 722; Fischer 1933, 549). Ikaapat, ang paglilipat ng kontrol sa Forestry Bureau sa unang Pilipinong direktor nito: Si Florencio Tamesis noong 1937. Dahil dito, naging ganap na ang Pilipinisasyon ng buong Bureau. Ikalima, ang Commonwealth Act No. 452, higit na kilala bilang Pasture Land Act, ay ipinagtibay noong Hunyo 8, 1939. Layunin ng batas na itong ilipat ang pamamahala ng mga lupaing-pastulan mula sa Bureau of Land tungo sa Forestry Bureau dahil ang gawaing ito ay itinuring na mas konektado sa gawaing-paggugubat, lalo na sa bahagi ng pangangalaga ng lupa at reforestation (Tamesis 1939, 21). Panghuli, ang Commonwealth Act No. 447 na pinagtibay noong Hunyo 8, 1939 kung saan ipinagbawal na ang pagkakaingin sa loob ng mga kagubatan nang walang nakasulat na pahintulot ng Direktor ng Bureau o ang awtorisadong kawani nito. Dinagdagan din ng batas na ito ang mga parusa sa sinumang gagawa ng pagkasira ng kagubatan. Bukod dito, hiningi rin ng batas sa mga korteng iutos ang pagpapaalis sa mga nagkasala kung sila ay nakatira sa loob ng pampublikong kagubatan—kasama ang mga reserbadong gubat, pangkomunidad o komunal na kagubatan (communal forests), at mga pastulan—at ilipat sa pamahalaan ang anumang gusaling nakatayo rito. Tinatayang malaki ang maitutulong ng batas na ito upang matugunan ang matagal nang suliranin ng Bureau sa pagkakaingin at ang ilegal na okupasyon ng kagubatan ng mga iskuwater (Tamesis 1939, 68-69).

LAGOM AT KONKLUSYON

Sa unang yugto ng pagpapatupad ng patakarang pangkagubatan ng Amerika, naging pundamental na maitatag muna ang institusyong ahensya na mamamahala ng gawain at magpapatupad ng mga batas panggubat. Nadatnan ng mga Amerikano ang mga tauhan, at nagawang mga patakaran at batas ng IGM, bukod pa sa isang aktibong kalakalan sa troso. Sa kabila nito, sinalubong ng kabi-kabilang problema si Ahern, ang unang Direktor ng Forestry Bureau na itinatag noong 1900. Naging suliranin ng mga Amerikano ang kakulangan ng kaalaman sa agham-panggubat ng mga dating kawani ng IGM, bukod pa sa hindi sila makapagtalaga ng mga tauhan sa mga lalawigan dahil nagpapatuloy ang mga pag-aaklas sa bagong pamunuan. Simula sa pagbisita ni Pinchot noong 1902, maingat nang inilatag ng mga kolonisador ang mga paraan upang tuluyang makontrol ang mayamang kagubatan ng Pilipinas. Sa pagtatapos ng dekada, handa na ang Bureau para sa ikalawang yugto ng patakarang pang-kagubatan—ang pananaliksik at edukasyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang Forestry School noong 1910 bilang bahagi ng Kolehiyo ng Agrikultura ng UP sa Los Baños, Laguna. Matapos na maitatag ang Forestry School, ginawang kaakibat na ahensya ang Museong Panggubat, pinalawak ang mga Pabinhian at Patubuan, hinikayat ang paglahok sa mga Eksibit-Panggubat, at nagtatag ng aklatan. Ang hudyat ng pagsisimula ng ikatlong yugto na eksplotasyon at komersyalisasyon ng kagubatan ay nang naging masigla ang industriya ng pagtotroso noong 1917 dulot ng paglakas ng lokal na merkado para sa gamit-pangkonstruksyon sa buong bansa. Matapos ang digmaan, panandaliang bumaba ng pangangailangan sa troso, na agad namang nakabawi nang muling gumanda ang ekonomiya simula 1923. Sa panahong ito, lumakas ang pandaigdigang merkado sa troso at tabla. Dito nagsimulang maging tanyag ang ating mga troso sa Estados Unidos, Inglatera, Hapon, at Australia. Pansamantalang naapektuhan ang kalakal sa troso sa pagbagsak ng merkadong pangsapi ng Amerika, subalit naging daan naman ito sa pagsibol ng ikaapat na yugto ng patakarang pangkagubatan: ang pagmumuling-gubat at konserbasyon. Sa Pilipinas, naging agresibo ang pagsasantabi ng kagubatan, ang pagpapatupad ng malawakang programa para sa pagmumuling-gubat, at maging ang pagpoproklama ng mga piling kagubatan bilang mga Pambansang Liwasan. Alinsunod ito sa patakarang pangkagubatang ipinatutupad ng Amerika kasunod ng Depresyon ng 1929, na ang layunin ay mabigyang-trabaho ang mamamayan, at kontrolin ang mabilis na pagdami ng mga unyong-manggagawa, maralitang magsasaka at pesante, mga grupong komunista, at mga taong-labas.

Sa kabuuan, hindi maikakailang sa likod ng makaimperyalistang layunin ng Amerika sa pagkontrol ng ating mga kagubatan, higit ang naging pakinabang ng mga Pilipino sa mga patakarang pangkagubatang ipinatupad ng mga mananakop. Kabilang sa mga ito ang nailipat na teknolohiya at makaagham na paggugubat, pag-unlad ng lokal na ekonomiya sa panahong kontrolado ng Amerika ang kalakalan, at benepisyong pangkaligiran dulot ng malawakang pagsisinop ng kagubatan at pagdedeklara ng mga pambansang liwasan. Ngunit tulad ng alam na natin, hindi naman talaga nabago ang mga patakarang iniwan ng mga Amerikano sa mga pinunong pinili nila at sinanay. Anumang benepisyo at ganansya at nakamit sa loob ng 1900-1940 ay agad namang nabawi ng mga Amerikano sa konteksto ng “parity rights” na nakapaloob sa mga pinirmahang tratado sa pagitan ng Pilipinas at Amerika matapos ang Digmaan ng 1946.

Talahuli

* Unang inilathala sa DALUYAN: Journal ng Wikang Filipino 16, blg. 1 (2010): 80-100.

Nirebisa para sa publikasyong ito. 1 Nabuo sa tulong ng mga research grant na ipinagkaloob ng Southeast Asian Studies

Regional Exchange Program (SEASREP), University of the Philippines (UP) Office of the Chancellor, UP Office of the Vice-Chancellor for Research and Development (Grant No. 030302 DSSH-S), at Commission on Higher Education (CHED).

2 Unang ginamit ni Nancy Lee Peluso (1990). Ang kanyang eksaktong parirala,

“Controlling Trees and People” ay kanyang tinukoy bilang unang bahagdan ng pagkontrol sa produksyon ng kolonyang kagubatan. Sa kasong ito, ang kolonya ay ang Netherlands East Indies (bansang Indonesia sa kasalukuyan), at ang kolonisador ay ang mga Olandes. 3 Ang dayagram na nagpapakita kung paano inilalaan ng pamahalaan ang mga

yamang-gubat sa iba’t ibang sektor ay makikita sa akda ni H.N. Whitford (1911, 61).

4 Sulat ni A.D. Wilcox, Punong Kawani para sa Hepe ng Bureau, Opisina ng

Gobernador-Heneral ng Pilipinas, na may petsang Oktubre 13, 1906, na makikita sa DFPI (1908, 9). 5 Sulat ni L.R. Wilfley, Opinions of the Attorney General: Military and Naval

Reservations; Application of Philippine Forestry Laws, na may petsang Disyembre 2, 1905, na makikita sa Philippine Commission (1908, 596-598). 6 Tingnan ang monograf na Forestry Education in the Philippines (Walang May-akda

w.tn., 1-2). 7 Ang walong boletin ay tumutukoy sa Boletin Blg. 15-22. Ang Boletin Blg. 15 ay tungkol

sa mga kawayan ng Pilipinas; ang Boletin Blg. 16 ay tumalakay sa iba pang yamang-gubat na maaaring pagkuhanan ng ubod (paper pulp); at ang Boletin Blg. 17 ay nagbibigay kaalaman sa mga bakawan ng Pilipinas. Lima pang boletin, na inilathala naman noong 1919, ay tungkol naman sa mga palmera at produktong palmera ng Pilipinas (Boletin Blg 18: Philippine Palms and Palm Products); mahiblang halaman ng Pilipinas (Boletin Blg 19: Philippine Fiber Plants); dagta, kola, at mga langis-halaman ng Pilipinas (Buletin Blg 20: Philippine Resins, Gums, Seed Oils, and Essential Oils); ligaw

na pagkaing-halaman ng Pilipinas (Boletin Blg 21: Wild Food Plants of the Philippines); at ang kompletong listahan ng iba pang yamang-gubat ng Pilipinas (Boletin Blg 22: A Complete Minor Forest Products Bulletin, 2 volumes). 8 Tingnan din ang DFPI (1917, 6).

Sanggunian

Bankoff, Greg. 2009. Breaking New Ground? Gifford Pinchot and the Birth of “Empire Forestry” in the Philippines, 1900-1905. Environment and History 15, blg. 3: 369-393.

De Leon-Bolinao, Ma. Luisa. 2005. Perhutanan: Mga Patakarang Kolonyal

Hinggil sa Kagubatan ng Malaya at Pilipinas, 1900-1940. (Ph.D. disertasyon sa Kasaysayan, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Department of Agriculture and Natural Resources (DANR). 1932. Annual

Report of the Department of Agriculture and Natural Resources (For the Fiscal Year Ending December 31, 1931). Manila: Bureau of Printing.

Director of Forestry of the Philippine Islands (DFPI). 1908. Annual Report of

the Director of Forestry of the Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1907). Manila: Bureau of Printing.

Director of Forestry of the Philippine Islands (DFPI). 1912. Annual Report of

the Director of Forestry of the Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1911). Manila: Bureau of Printing.

Director of Forestry of the Philippine Islands (DFPI). 1917. Annual Report of

the Director of Forestry of the Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1916). Manila: Bureau of Printing.

Director of Forestry of the Philippine Islands (DFPI). 1918. Annual Report of

the Director of Forestry of the Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1917). Manila: Bureau of Printing.

Director of Forestry of the Philippine Islands (DFPI). 1919. Annual Report of

the Director of Forestry of the Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1918). Manila: Bureau of Printing.

Director of Forestry of the Philippine Islands (DFPI). 1920. Annual Report of

the Director of Forestry of the Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1919). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1922. Annual Report of the Director of Forestry of the Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1921). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1925. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1924). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1926. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1925). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1927. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1926). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1928. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1927). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1929. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1928). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1930. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1929). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1932. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1931). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1933. Annual Report of the Director of Forestry of the Philippine

Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1932). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1934. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1933). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1935. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1934). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1936. Annual Report of the Director of Forestry of the Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1935). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1937. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1936). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1938. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1937). Manila: Bureau of Printing.

Fischer, Arthur. 1939. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1938). Manila: Bureau of Printing.

Latihan, I.G. 1975. Forestry in the Philippines (Comparative Study Report of a

Short Visit to the Republic of the Philippines). Jakarta: Forestry Training Centre Samarinda (FTCS), Agency for Agricultural Education, Training and Extension, The Ministry of Agriculture, Indonesia.

Mabbayag, Felix. w.tn. National Forest Policy for the Philippines. W.L.: W.T. Military Governor in the Philippine Islands (MGPI). 1901. Annual Report,

General McArthur, U.S. Army, Commanding Division of the Philippines, Military Governor in the Philippine Islands; Volume 2. Manila: Military Governor in the Philippine Islands.

Nano, Jose. 1941. Brief Account of our Reforestation Movement. Forest Leaves

2, blg. 12 (Agosto): 2-5. Orillos, Ma. Florina. 1999. Inspección General de Montes: Isang Institusyunal

na Kasaysayan (1855-1898). M.A. tesis sa Kasaysayan, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Peluso, Nancy Lee. 1990. A History of State Forest Management in Java. Nasa

Keepers of the Forest: Land Management Alternatives in Southeast Asia, pat. Mark Poffenberger, 27-55. Connecticut: Kumarian Press.

Philippine Commission. 1904a. Fourth Annual Report of the Philippine

Commission to the Secretary of War, 1903; Part 2. Washington, D.C.: Bureau of Printing.

Philippine Commission. 1904b. Reports of the Philippine Commission, 1900-1903. Washington: Government Printing Office.

Philippine Commission. 1905. Fifth Annual Report of the Philippine

Commission to the Secretary of War, 1904; Part 2. Washington, D.C.: Bureau of Printing.

Philippine Commission. 1908. Eight Annual Report of the Philippine

Commission to the Secretary of War, 1907 (Appendix: Public Land Laws; Notes on Agriculture; Notes on Labor). Washington, D.C.: Bureau of Printing.

Tamesis, Florencio. 1933. Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (For the Fiscal Year Ended December 31, 1932). Manila: Bureau of Printing.

Tamesis, Florencio. 1939. Semi-Annual Report of the Director of Forestry of the

Philippine Islands (January-June 1939). Manila: Bureau of Printing. Walang May-akda. w.tn. Forestry Education in the Philippines. W.L.: W.T. War Department. 1902. Annual Reports of the War Department for the Fiscal

Year Ended June 30, 1901 (Report of the Lieutenant-General Commanding the Army); Part 2. Washington: Government Printing Office.

Whitford, H.N. 1911. Bulletin No. 10: The Forests of the Philippines; Part I: Forest

Types and Products. Manila: Bureau of Printing.


Recommended