1
[Bersyon bago nailathala sa Malay (2006), 17(1): 25-39. Pamantasang De La Salle-Maynila]
ANG MABUTING KALOOBAN AT
ANG SUKDULANG PRINSIPYO NG ETIKA:
MULA SA PANANAW NI IMMANUEL KANT
Napoleon M. Mabaquiao, Jr.
PANIMULA
Sa ating mga paghuhusgang etikal o mga paghuhusga sa kung ang isang kilos ng tao
ay mabuti o masama, ang isa nating tinitingnan ay ang prinsipyo o batas na sinusunod o
sinusuway ng tao sa kanyang paggawa ng isang kilos. Sa ganitong pananaw, ang mga kilos ay
pinaniniwalaang walang likas na halagang etikal, ibig sabihin, walang kilos na
pinaniniwalaang sadyang masama o mabuti. At ito ay dahil ang halagang etikal ng isang
kilos—ang pagka-mabuti o pagka-masama ng isang kilos—ay nanggagaling sa prinsipyo na
sinusunod, o kaya naman ay sinusuway, sa paggawa ng nasabing kilos. Alinsunod dito, ang
isang kilos ay itinuturing lamang na mabuti kung ito ay ginawa bilang pagsunod sa isang
prinsipyong mabuti, o kaya naman ay bilang pagsuway sa isang prinsipyong masama, at
masama kung ginawa bilang pagsunod sa isang prinsipyong masama, o kaya naman ay bilang
pagsuway sa isang prinsipyong mabuti.
Walang gaanong pagtatalo sa paniniwala na ang prinsipyo ng isang kilos ang
nagbibigay ng halagang etikal sa nasabing kilos, dahil ang mga iba’t ibang pananaw sa etika
ay maaaring ipaliwanag din sa perspektibo ng nasabing paniniwala. Ang pagtatalo sa mga
pananaw na ito ay umuusbong sa tanong na kung ano ang batayan ng pagturing sa isang
2
prinsipyo na mabuti o masama. Una sa lahat, nagkakasundo ang mga pananaw na ito na ang
lohikal na kasagutan dito ay ang pagkakaroon ng isang sukdulan o pinakamataas na prinsipyo
na siyang nagtatakda sa pagka-mabuti o pagka-masama ng mga prinsipyong direktang
gumagabay sa ating mga kilos. Halimbawa, ipagpalagay nating ginawa ng isang tao ang kilos
na paggalang sa mga magulang bilang pagsunod sa batas na “Dapat nating mahalin ang ating
mga magulang.” Kung ituturing natin na mabuti ang batas na ito, ang kilos na ginawa bilang
pagsunod dito ay, samakatuwid, mabuti rin. Subali’t ang pagturing na mabuti ang nabanggit
na batas ay nangangailangan pa ng mas mataas na prinsipyo—ang sukdulang prinsipyo—
kung saan naaayon ang batas na ito. Ngayon, kung ano ang sukdulang prinsipyong ito, dito
umuusbong ang pagkakaiba ng mga iba’t ibang pananaw. Halimbawa, may pananaw na ang
isinusulong na sukdulang prinsipyo ay ang kalooban ng Diyos, kung saan ang isang prinsipyo
ng isang kilos ay mabuti kung ito ay naaayon sa kalooban ng Diyos, at masama naman kung
hindi. Mayroon ding pananaw na ang isinusulong na sukdulang prinsipyo ay ang pagpapahigit
ng kasiyahan sa mas maraming tao, kung saan ang isang prinsipyo ng isang kilos ay mabuti
kung ito ay magpapahigit ng kasiyahan sa mas maraming tao, at masama naman kung hindi.
At isa pang pananaw ay isinusulong na ang sukdulang prinsipyong ito ay ang pagpapalakas ng
ating hangaring magpatuloy mabuhay, kung saan ang isang prinsipyo ay mabuti kung ito ay
nagpapalakas sa atin upang magpatuloy mabuhay, at masama naman kung hindi.
Ang isang gumawa ng isang sistematikong pagsusuri sa kung ano ang sukdulang
prinsipyo ng etika ay ang pilosopong si Immanuel Kant. Sa paniwala ni Kant, ang sukdulang
prinsipyong ito ay nakapaloob na sa isa pang konsepto na karaniwan din nating ginagamit
bilang batayan sa ating mga paghuhusgang etikal. Ang konseptong ito ay tumutukoy sa
3
mabuting kalooban.1 Alinsunod sa batayang ito, ang isang kilos ng isang tao ay mabuti kung
ang kalooban ng taong ito sa paggawa niya ng nasabing kilos ay mabuti, at ito naman ay
masama kung ang kanyang kalooban ay masama. Dahil dito, ang kailangan na lamang gawin,
ayon kay Kant, ay gumawa ng isang sistematikong pagsusuri sa posibilidad ng mabuting
kalooban—kung ano ang mga kondisyon sa pag-iral ng mabuting kalooban o mga kondisyon
kung kalian maituturing na mabuti ang isang kalooban—upang mapalitaw o mabigyang-linaw
ang sukdulang prinsipyo ng etika.2
Sa sanaysay na ito, nais kong gumawa ng isang kritikal na pagsusuri sa ginawang
pagsusuri ni Immanuel Kant sa posibilidad ng mabuting kalooban at sa kung ano ang
sukdulang prinsipyo ng etika na kanyang pinaniniwalaang nakapaloob dito. Ang isang
mahalagang bahagi ng layuning ito ay ang mapalitaw ang mga argumentong ginamit ni Kant
sa kanyang pagsusuri at ang maipakita ang lohikal na pagkaka-ugnay-ugnay ng mga
argumentong ito. Nahahati sa apat na bahagi ang aking diskusyon. Sa unang bahagi,
tinatalakay ko ang palagay ni Kant na ang pagka-mabuti ng mabuting kalooban ay likas at
walang kinalaman sa mga bagay-bagay na labas sa kalooban tulad ng mga kahihinatnan ng
mga kilos. Sa ikalawang bahagi, tinatalakay ko ang pag-unawa ni Kant sa kalikasan ng
kalooban ng tao, o, sa partikular, sa ugnayan ng kalooban ng tao sa kanyang kalayaan at
katwiran. Sa ikatlong bahagi, sinusuri ko ang mga argumento ni Kant sa kanyang pagsulong
1 Kant (1987: 21): “We have then to develop the notion of will which deserves to be highly esteemed for itself, and is good without a view to anything further, a notion which exists already in the sound natural understanding, requiring rather to be cleared up than to be taught, and which in estimating the value of our actions always takes place, and constitutes the condition of all the rest. In order to do this we will take the notion of duty, which includes that of good will ….”
Bukod sa “mabuting kalooban,” maaari ding isalin ang “good will” bilang “kagandahang-loob,” “magandang kalooban,” at “kabutihang loob.” 2 Kant (1987: 15): "The present treatise is, however, nothing more than the investigation and establishment of the supreme principle of morality, and this alone constitutes a study complete in itself, and one which ought to be kept apart from other moral investigation."
4
sa paniwala niyang sukdulang prinsipyo ng etika na nakapaloob sa mabuting kalooban. At sa
ika-apat na bahagi, tinatalakay ko ang pag-iiba ni Kant sa dalawang uri ng imperatibong
taglay ng mga prinsipyo—ang kondisyonal at kategorikal na imperatibo—at kung paano
pinag-iiba ni Kant ang kanyang pananaw sa etika sa iba pang mga pananaw.
ANG MABUTING KALOOBAN BILANG LIKAS NA MABUTI
Nagsimula si Kant sa kanyang pagsusuri sa pamamagitan ng paggawa ng dikotomiya
sa pagitan ng dalawang uri ng mabuti o mga bagay na itinuturing na mabuti. Ang unang uri ay
tumutukoy sa mga likas na mabuti o sa mga bagay na ang taglay ng kabutihan ay likas, at ang
ikalawa naman ay sa mga di-likas na mabuti o sa mga bagay na ang kabutihang taglay ay di-
likas. Ang isang konkretong pagkakaiba ng dalawang ito ay ang mga likas na mabuti ay
palaging mabuti ano man ang sitwasyon o konteksto, samantala ang mga di-likas na mabuti ay
hindi palaging mabuti dahil may mga pagkakataon o konteksto kung saan ang mga ito ay
itinuturing din na masama.
Unahin nating talakayin ang mga di-likas na mabuti. Ang mga ilang halimbawa na
ibinigay ni Kant para dito ay ang mga sumusunod: talino, kayamanan, kalusugan,
kapangyarihan, at katapatan. Hindi mapagkakaila na karaniwang itinuturing natin ang mga ito
na mga bagay na mabuti, dahil sa ang mga ito ay mga kanais-nais kaya nga halos lahat ay
naghahangad na makamit ang mga ito. Subali't, hindi rin mapagkakaila na may mga
pagkakataon na ang mga ito ay itinuturing din nating masama. Ito ay lumilitaw, halimbawa, sa
ating paghuhusga na mas nakasusuklam ang isang kriminal na mayaman, matalino, malusog,
at makapangyarihan sa lipunan kaysa sa isang kriminal na hindi. Ang isang palagay ng
ganitong paghuhusga ay ang kalusugan, talino, kapangyarihan, at iba pa ay nakakadagdag sa
5
kasamaan ng isang kriminal, at samakatuwid, sa ganitong konteksto, ang mga nabanggit na
katangian o bagay ay itinuturing natin na masama.
Sa kabilang banda, para naman sa mga likas na mabuti o mga bagay na ang taglay na
kabutihan ay likas, kapansin-pansin na isa lamang ang tinalakay ni Kant at ito ay ang
mabuting kalooban. Ano pa man, ang mabuting kalooban, ayon kay Kant, ay palaging mabuti
ano man ang sitwasyon. Kung ang talino, kapangyarihan, at kalusugan ay maaaring taglay ng
isang kriminal, isa namang kontradiksyon na ang kaloobang taglay niya ay mabuti. Dahil
kung ito ang taglay niyang kalooban, sa una pa man, hindi dapat siya naging isang kriminal.
Ngayon, dahil ang pagka-mabuti ng mabuting kalooban ay likas, natural lamang na isipin na
ang kabutihan ng mabuting kalooban ay walang kinalaman sa mga posibleng kahihinatnan ng
paggawa ng isang kilos nang may mabuting kalooban. Ibig sabihin, kung naging hindi kanais-
nais ang kahihinatnan ng isang kilos na ginawa nang may mabuting kalooban, halimbawa
ikaw ay nalagay sa kapahamakan dahil sa pagtulong mo sa iyong kapwa o dahil sa
paninindigan mo sa iyong prinsipyo, ang kabutihan ng iyong kalooban ay mananatili. At kung
ang naging kahihinatnan naman ng kilos na ito ay kanais-nais, halimbawa nagantimpalaan ka
o kaya ay nakapagdulot ka ng kasiyahan at karangalan sa iyong pamilya, hindi madadagdagan
ang kabutihan ng iyong kalooban. Ika pa ni Kant, kahit pa man ang tinutukoy na kanais-nais
na kahihinatnan ay ang pinagsama-samang mga kaligayahan sa daigidig, ang kabutihan ng
mabuting kalooban ay hindi madadagdagan. O kaya naman daw, kung ang pinagsama-samang
mga lakas ng sanlibutan ay nagkataong hindi sapat para maisakatuparan ang mga kilos na
balak gawin nang may mabuting kalooban, ang kabutihan ng mabuting kaloobang ito ay
kikinang pa rin na para bagang isang brilyante sa gitna ng kadiliman.
6
Bukod sa walang kinalaman ang kabutihan ng mabuting kalooban sa kahihinatnan ng
ating mga kilos, ang mabuting kalooban, para kay Kant, ay siya ring kondisyon kung bakit sa
mga ilang pagkakataon ang mga di-likas na mabuti ay mabuti at sa mga ilang pagkakataon ay
masama naman. Ibig sabihin, ang mga karaniwang kanais-nais na mga bagay o katangian na
tulad ng talino, kalusugan, kapangyarihan, at katapatan ay maituturing na mabuti kung ang
kalooban ng taong gagamit o magtataglay ng mga ito ay mabuti, at ang mga ito naman ay
masama kung hindi mabuti ang kalooban ng taong gagamit o magtataglay ng mga ito.
Ang isa nating mahihinuha sa bahaging ito ng pagsusuri ni Kant ay ang pagka-likas ng
kabutihan ng mabuting kalooban ay nangangahulugan na ang kabutihang ito ay walang
kinalaman at hindi naaapektuhan ng mga sitwasyon, kondisyon, o mga bagay-bagay sa labas
ng kalooban, tulad halimbawa ng mga kahihinatnan ng mga kilos. Mahalagang linawin natin
na bukod sa mga kahihinatnan ng ating mga kilos, ang mga panlabas na kondisyong ito ay
maaari ring kabilangan ng mga institusyon, kultura, awtoridad, at iba pa. Kung gayon, sa
pananaw ni Kant, hindi tama na hanapin sa mga panlabas na konsiderasyong ito ang
paliwanag ukol sa kung kailan nagiging mabuti ang isang kalooban. Ang ibig sabihin din nito
ay ang sukdulang prinsipyo ng etika ay hindi matatagpuan sa mga konsiderasyong ito.
ANG KALIKASAN NG KALOOBAN
Para maunawaan natin ng lubusan kung kailan o paano nagiging mabuti ang isang
kalooban sa pananaw ni Kant, kailangan muna nating unawain kung paano tinitingnan ni Kant
ang kalikasan ng kalooban. Ayon sa ating pagsusuri sa unang bahagi, walang kinalaman ang
mga panlabas na konsiderasyon, tulad ng mga kahihinatnan ng mga kilos, sa kabutihan ng
7
kalooban. Kung gayon, ito ay nangangahulugan na ang kabutihan ng kalooban ay may
kinalaman lamang sa kalikasan nito.
Ang kalooban ng tao, ayon kay Kant, ay tumutukoy sa kakayahan ng tao na kumilos
nang naaayon sa kanyang kinikilalang prinsipyo o batas.3 Bukod dito, naniniwala si Kant na
likas sa kalooban ng tao ang pagiging malaya. Ibig sabihin, ang kalooban ay siya ring
kakayahan na nagbibigay sa atin ng kakayahang kumilos ng malaya.4 Subali't may
mapapansing kakaiba sa pananaw ni Kant ukol sa kung ano ang malayang kilos. Alinsunod sa
kanyang depenisyon ng kalooban bilang kakayahang kumilos nang naaayon sa kinikalalang
prinsipyo o batas, ang isang malayang kilos, ayon kay Kant, ay ang kilos na ginawa lamang
nang naaayon sa kinikilalang prinsipyo o batas. Upang makita ang kakaiba sa konseptong ito
ng malayang kilos, punahin ang pagkakaiba nito sa pangkaraniwang pag-unawa sa kung ano
ang malayang kilos, kung saan inuunawa ang isang kilos bilang malaya kung ito ay pinili
mula sa mga alternatibong kilos. Makikita natin sa paghahambing na ito na mas istrikto ang
konsepto ni Kant ng malayang kilos dahil ito ay hindi lamang isang kilos na piniling gawin
mula sa mga kilos na maaaring gawin, kundi ito ay isang kilos na ginawa nang naaayon sa
kinikilalang prinsipyo o batas. Ito ay mas istrikto dahil maaaring mangyari na pinili mong
gawin ang isang kilos kung saan maaari mo naman sanang piniling gawin ang iba pang mga
kilos, subali't kung pinili mong gawin ang kilos na ito nang hindi naaayon sa kinikilala mong
prinsipyo o batas, ang kilos na ito, sa pananaw ni Kant, ay hindi isang malayang kilos.
3 Kant (1987: 56): “The will is conceived as a faculty of determining oneself to action in accordance with the conception of certain laws.”
Pareho ang gamit ni Kant sa mga salitang “prinsipyo” at “batas”. Halimbawa, sabi (1987: 56) niya: “Everything in nature works according to laws. Rational beings alone have the faculty of acting according to the conception of laws, that is according to principles, i.e., have a will.” Sa mga sumusunod, gagamitin ko rin ang mga salitang nabanggit na magkasingkahulugan.
4 Ang kalayaan ay tinuturing ni Kant na isa sa mga kailangang palagay para sa posibilidad ng moralidad. Tingnan ang “Three Postulates of Morality” sa Critique of Practical Reason, 1952b.
8
Sa katunayan, ang ganitong pag-unawa sa malayang kilos ay mas naipapaliwanag
kung bakit natin sinasabing walang kakayahang kumilos ng malaya ang mga hayop bagama't
may mga pagkakataon na para bagang namimili rin sila kung anong kilos ang kanilang nais
gawin, halimbawa kung ano ang nais nilang kainin. Kung ang pagbabatayan natin ang
nabanggit na karaniwang pag-unawa sa malayang kilos, ang mga hayop na ito ay masasabi
ring malaya. Subali't sa pananaw ni Kant, bagama't maaaring mamili ang mga hayop sa kung
anong kilos ang kanilang gagawin, wala naman silang kakayahang kumilos nang naaayon sa
kinikilala nilang batas, at sumakatuwid ang mga kilos nila ay hindi talaga malaya. Ito ay totoo
rin sa mga batang musmos, na dahil wala pa silang kakayahang kumilala ng mga prinsipyo na
gagabay sa kanilang mga kilos, bagama't may makikita na tayong elemento ng pagpili sa
kanilang mga pagkilos, ang mga kilos nila ay hindi pa malaya. At dahil may pananagutan
lamang tayo sa ating mga malalayang kilos, mas akma ang konsepto ni Kant sa malayang
kilos dahil mas naipapaliwanag nito kung bakit karaniwan nating pinaniniwalaan na ang mga
hayop ay walang pananagutan sa kanilang mga kilos at ang mga batang musmos naman ay
wala pang pananagutan sa kanilang mga kilos.
Sa katunayan si Kant ay naniniwala na lahat ng bagay sa kalikasan ay kumikilos ng
naaayon sa mga batas (mga batas ng kalikasan), nguni’t naiiba ang mga maykatwirang
nilalang (“rational beings”), tulad ng mga tao, dahil sa kanilang kamalayan sa mga batas na
gumagabay sa kanilang mga kilos. At bahagi ng kamalayang ito ang kakayahang kumilos ng
naaayon sa kanilang kinikilalang batas.5 Ito ay nangangahulugan na kapag tayo ay kumilos
nang hindi dahil sa kinikilalang batas, tayo rin sa katunayan ay kumikilos nang naaayon sa
5 Kant (1987: 40): ”Everything in nature works according to laws. Rational beings alone have the faculty of acting acoording to the conception of laws, that is according to principles, i.e., have a will.” Dapat nating isaalang-alang dito na ang mga sinsabing batas ng kalikasan ay walang iba kundi ang mga batas na ipinataw ng istruktura ng ating pag-iisip sa kalikasan.
9
batas—kaya nga lamang ay ayon sa mga batas ng kalikasan. Kung babalikan natin ang
halimbawa tungkol sa mga hayop, sinabi natin na hindi malaya ang mga kilos nila dahil hindi
nila ginagawa ang kinalang mga kilos nang dahil sa mga kinikilala nilang prinsipyo; subali’t
ang kanilang mga kilos ay sumusunod pa rin sa mga batas, sa mga batas ng kalikasan.
Bukod sa ang konsepto ng kalayaan ay mahigpit na naka-ugnay sa konsepto ng
kalooban, para kay Kant, ang konsepto ng kalooban ay mahigpit ring naka-ugnay sa konsepto
ng katwiran. Sa pangkalahatan, naniniwala si Kant na hindi magkahiwalay na mga kakayahan
ng tao ang kalooban at katwiran. Ito ay dahil para kay Kant ang karaniwan nating tinatawag
na "kalooban" at "katwiran," ay, sa katunayan, tumutukoy sa dalawang aspeto o uri ng
katwiran: ang teoretikal na uri, na tumutukoy sa karaniwan nating tinatawag na "katwiran" at
ang praktikal na uri, na siya nating tinatawag na "kalooban." Kung ang kalooban, bilang
katwirang praktikal, ay tumutukoy sa ating kakayahan na kumilos nang naaayon sa ating mga
kinikilalang prinsipyo, ang katwiran naman, bilang katwirang teoretikal, ay tumutukoy sa
ating kakayahang gumawa ng mga prinsipyo o batas na maaaring kilalanin ng kalooban.6 Ang
dalawang kakayahang ito ang bumubuo sa pagiging maykatwiran ng tao: ang tao bilang
malaya at ang tao bilang tagabatas.
6 Kant (1952c: 386): ”The will is therefore the faculty of active desire or appetency, viewed not so much in relation to the action - which is the relation of the act of choice - as rather in relation to the principle that determines the power of choice to the action. It has, in itself, properly no special principle of determination, but in so far as it may determine the voluntary act of choice, it is the practical reason itself…The positive conception of freedom is given by the fact that the will is the capability of pure reason to be practical of itself.... Applied as pure reason to the act of choice, and considered apart from its objects, it may be regarded as the faculty of principles; and, in this connection, it is the source of practical principles.” Samantala, ang “katwirang teoretikal” sa Critique of Pure Reason (1952b) ay mapapansing tumutukoy sa ating kakayahang gumawa ng mga abstraktong konsepto (“transcendental concepts”) tulad ng Diyos, kaluluwa, at daigdig—sa pangkalahatan. Nguni’t wala namang kontradiksyon na sabihin na ang kakayahang ito at ang naunang kakayahang nabanggit ay parehong kakayahan ng katuwirang teoretikal.
10
Heto ngayon ang kritikal sa pag-unawa ni Kant sa kalikasan ng katwiran (katwirang
teoretikal) ng tao. Sa pananaw ni Kant ang katwiran ng bawat tao ay pare-pareho sa antas ng
istruktura nito na tumutukoy sa mga kategoryang likas na taglay nito, na tumutukoy naman sa
mga unibersal na konsepto na ating ginagamit sa ating pag-unawa sa mundo at sa pagbibigay
ng kaayusan sa mga karanasan ng ating mga pandama. Ang nagpapatunay sa ganitong
paniniwala ay ang panlahatan o unibersal na anyo ng katotohanan ng mga pahayag sa mga
disiplina ng agham at matematika. Ang unibersal na anyo ng mga kaalaman sa mga
disiplinang ito, ayon kay Kant, ay hindi maipapaliwanag ng mga bagay-bagay sa mundo;
bagkus, ito ay maipapaliwanag lamang ng palagay na tayong mga tao ay may pare-parehong
kategorya sa ating pag-unawa sa mundo.
Ano ang ating mahihinuha sa ating imbestigasyon sa bahaging ito? Nabanggit natin
kanina na ang ating katwiran ay tumutukoy sa ating kakayahang gumawa ng mga prinsipyo o
batas, at dahil dito, tayo ay hindi lamang malaya kundi ay mga tagabatas din. Ngayon, dahil
sa unibersal na anyo ng katwiran, ang mga batas o prinsipyo na gagawin ng katwiran ay
maaaring alinsunod sa unibersal na kalikasan nito. Ibig sabihin, ang mga batas o prinsipyo na
gagawin ng katwiran ng isang tao para sa kanyang sariling kalooban ay maaaring para din sa
kalooban ng lahat ng tao.
ANG SUKDULANG PRINSIPYO NG ETIKA
Nakita natin sa unang bahagi na dahil sa ang kabutihan ng mabuting kalooban ay likas,
ito ay may kinalaman lamang sa kalikasan ng kalooban. Kung kaya, sa ikalawang bahagi,
siniyasat natin ang pananaw ni Kant sa kalikasan ng kalooban, at nakita natin na ang kalooban
ay malaya lamang kung ang kilos nito ay bunga ng pagkilala sa mga prinsipyo o batas na
11
gawa ng katwiran. Kaugnay nito, dahil ang katwiran ay may unibersal o panlahatang anyo sa
dahilan na ang mga kategorya nito ay pare-pareho sa lahat ng tao, ang mga batas na gagawin
nito ay maaaring para sa lahat ng tao. Hango sa mga konsiderasyong ito, ating ngayon
direktang tunguhin ang mga sumusunod na tanong. Una: paano nagiging mabuti ang isang
kalooban ayon kay Kant? At ikalawa: ano ang sukdulang prinsipyo ng etika ayon kay Kant?
Bago ang lahat, ang dalawang tanong na ito ay magka-ugnay sa sistema ni Kant, dahil para sa
kanya, ang isang kalooban ay nagiging mabuti lamang kung ang prinsipyo nito sa pagkilos ay
naaayon sa sukdulang prinsipyo ng etika. Sa katunayan, ito ang ibig niyang sabihin sa
nabanggit natin sa panimula na ang sukdulang prinsipyo ng etika ay nakapaloob sa mabuting
kalooban. Ngayon, bagama’t iisa lamang ang sukdulang prinsipyo ng etika, ito naman ay
ipinahayag ni Kant sa maraming paraan. Ang mga iskolar kay Kant na tulad ni Paton (1948)
ay tinawag ang mga paraang ito na mga pormula ng sukdulang prinsipyo ng etika. At ayon sa
mga iskolar na ito, lima ang mga pormulang ito (Paton 1948: 129), at ang mga ito ay ang mga
sumusunod:
I. Ang Pormula ng Panlahatang Batas [“Formula of the Universal Law”]:
Kumilos ka lamang sa sarili mong prinsipyo7 na puwede mo ring hangarin na
maging isang panlahatang batas o prinsipyo para sa lahat.
["Act only on that maxim through which you can at the same time will that it
should become a universal law."]8
II. Ang Pormula ng Batas ng Kalikasan [“Formula of the Law of Nature”]:
7 Kant (1987: 49): “A MAXIM is a subjective principle of action, and must be distinguished from the objective principle, namely, practical law....” Sa sanaysay na ito, ang “maxim” ay isasalin ko na “sariling prinsipyo,” “pansariling prinsipyo,” at “prinsipyong para sa sarili.” 8 Ang bersyon sa wikang Ingles ng mga pormulang ito ay salin ni Paton mula sa wikang Aleman, kung saan orihinal na sinulat ni Kant ang kanyang mga akda. Ang bersyon naman sa wikang Filipino ng mga pormulang ito ay sariling salin ng may-akda ng sanaysay na ito mula sa mga salin ni Paton ayon sa kanyang pag-unawa sa diwa ng mga pormulang ito.
12
Kumilos ka na para bang ang prinsipyo ng iyong kilos, sa pamamagitan ng
iyong kalooban, ay magiging isang panlahatang batas ng kalikasan.
["Act as if the maxim of your action were to become through your will a
universal law of nature."]
III. Ang Pormula ng Paggalang sa Tao [“Formula of the End in Itself”]:
Kumilos ka na itinuturing ang tao, sa sarili mong katauhan o sa katauhan ng
iba, na palaging sa paraang ginagalang rin, at hindi sa paraang ginagamit lamang.9
["So act as to use humanity, both in your own person and in the person of
every other, always at the same time as an end, never as a means."]
IV. Ang Pormula ng Awtonomiya [“Formula of Autonomy”]:
Kumilos ka na itinuturing ang sarili mong kalooban, sa pamamagitan ng
sariling prinsipyo nito, na gumagawa rin ng isang panlahatang batas.
["So act that your will can regard itself at the same time as making a universal
law through its maxim."]
V. Ang Pormula ng Mundo ng mga Ginagalang [Fomula of the Kingdom of Ends]
Kumilos ka na para bang ikaw, sa pamamagitan ng iyong mga pansariling
prinsipyo, ay palaging kasaping-tagabatas sa isang mundo ng mga ginagalang.
["So act as if you were always through your maxims a law-making member in
a universal kingdom of ends."]
Batay sa pagkakamalapit ng mga sinasaad ng mga pormulang ito, pinagbuklod ni
Paton ang mga ito sa tatlong pangunahing pormula. Sa pag-unawa ni Paton, ang Pormula II ay
9 Ang aking pag-unawa, ang gamit ni Kant ng “end” ay “object of respect”, samantala ng “means” ay “object of use”. Ito ay pinatutunayan ng mga sumusunod na pahayag ni Kant (1987: 57): “Beings whose existence depends not on our will but on nature’s, have nevertheless, if they are irrational beings, only a relative value as means, and are therefore called things; rational beings, on the contrary, are called persons, because their very nature points out as ends in themselves, that is as something which must not be used merely as means, and so far therefore restricts freedom of action (and is an object of respect).”
13
sakop na ng Pormula I, at ang Pormula V naman ay sakop na ng Pormula IV. Kaya, ganito
ang kinalabasan ng pagbubuklod ni Paton:
1. Ang Pormula ng Panlahatang Batas (I)
1a. Ang Pormula ng Batas ng Kalikasan (II)
2. Ang Pormula ng Paggalang sa Tao (III)
3. Ang Pormula ng Awtonomiya (IV)
3a. Ang Pormula ng Lipunan ng mga Ginagalang (V)
Ako ay sumasang-ayon kay Paton sa pagpapailalim niya ng Pormula I sa Pormula II,
at ng Pormula V sa Pormula IV. Nguni’t ako naman ay sumasang-ayon kay John C. Atwell
(1986: 144), isa pang iskolar kay Kant, sa kanyang palagay na ang Pormula IV ay sakop na ng
Pormula I.10 Kaya, para naman kay Atwell, ang limang pormula ay mapapaiksi sa dalawang
pangunahing pormula lamang, at ang mga ito ay:
1. Ang Pormula ng Panlahatang Batas (I)
1a. Ang Pormula ng Batas ng Kalikasan (II)
1b. Ang Pormula ng Awtonomiya (IV)
2. Ang Pormula ng Paggalang sa Tao (III)
2a. Ang Pormula ng Mundo ng mga Ginagalang (V)
Ang prinsipyo ng pagbubuklod ni Atwell ay: Ang unang grupo ng mga pormula [1, 1a,
at 1b] na pinangungunahan ng Pormula ng Panlahatang Batas ay tumutukoy sa relasyon ng
ating mga kilos sa mga prinsipyong ating sinusunod; samantala, ang pangalawang grupo
naman [2 at 2a] na pinangungunahan naman ng Pormula ng Paggalang sa Tao ay tumutukoy
sa relasyon ng ating mga kilos sa pamamaraan ng ating pakikitungo sa ating mga kapwa. Ang
mga pormula ng Pormula ng Panlahatang Batas at ng Pormula ng Tao bilang Karapat-dapat
na Igalang ay makikitang itinuturing din ni Kant na pangunahin sa lahat ng mga pormula niya
10 Atwell (1986: 144): “I propose to support this belief by citing a number of relevant passages and simultaneously argue that the various “foundations of PAW (Principle of the Autonomy of the Will)—and there are several—are all nothing but PU (Principle of Universality).”
14
sa aspeto na sa dalawang pormulang ito lamang nagbigay siya ng mga konkretong halimbawa.
Bukod pa dito, ang mga halimbawang tinalakay niya sa unang pangunahing pormula ay
tinalakay niya rin sa ikalawang pangunahing pormula, na nagpapahiwatig na gusto niyang
ipakita na ang dalawang pormulang ito, sa katunayan, ay iisa lamang ang diwa at darating sa
parehong paghuhusga sa moralidad ng isang kilos. Sa mga sumusunod, tatalakayin ko ang
dalawang pangunahing pormulang ito, kasama ng ilan sa mga halimbawang binigay ni Kant.
Ayon muli sa Pormula ng Panlahatang Batas, ang isang kilos o hangaring kumilos ay
sinasabing mabuti kung ang pansariling prinsipyo nito ay maaaring hangarin na maging isang
panlahatang batas, o kaya naman ay maaaring hangarin na maging pansaraling prinsipyo rin
ng lahat ng tao. At ang kabaligtaran nito: ang isang kilos o hangaring kumilos ay sinasabing
masama kung ang pansaraling prinsipyo nito ay hindi maaaring hangarin na maging isang
panlahatang batas, o kaya naman ay hindi maaaring hangarin na maging isang pansariling
prinsipyo rin ng lahat ng tao. Una nating itanong kung bakit kailangan na ang mga pansariling
prinsipyo ay maaaring hangarin ng maging isang panlahatang batas. Sa aking pagsusuri, ang
kasagutan ni Kant para sa tanong na ito ay may kinalaman sa lohikal na posibilidad ng
pagpapahalaga sa tungkulin (“sense of duty”). Nagsimula si Kant sa pahayag na ang taong
kumikilos dahil sa kanyang pagtanaw sa tungkulin ay nagtataglay ng mabuting kalooban.11
Subali’t, para maging posible sa isang tao ang pagpapahalaga sa tungkulin, isang
napakahalagang kondisyon na binigay ni Kant ay ang pag-iiral ng hadlang o pagtatalo
11 Kant (1987: 21): “We have then to develop the notion of will which deserves to be highly esteemed for itself, and is good without a view to anything further, a notion which exists already in the sound natural understanding, requiring rather to be cleared up than to be taught, and which in estimating the value of our actions always takes place, and constitutes the condition of all the rest. In order to do this we will take the notion of duty, which includes that of good will, although implying certain subjective restrictions and hindrances. These however, far from concealing it, or rendering it unrecognizable, rather bring it out by contrast, and make it shine forth so much the brighter.”
15
(“constraint”) sa loob ng sariling isipan ng nasabing tao.12 Ang pagtatalong ito sa
pangkalahatan ay sa pagitan ng imperatibo ng kinikilalang batas (“necessitation of law”)13 at
ng hilig ng kalikasan (“impulses of nature”).14 Para sa isang partikular na tao, ang pagtatalong
ito ay sa pagitan ng batas na nanggaling sa kanyang sarili o gawa ng kanyang sariling
katwiran15 at ng kanyang mga natural na hilig (“natural desires” na kinabibilangan ng mga
tinatawag ni Kant na “inclinations” o “habitual desires”) na sadyang mga pansarili.16 Ang
tanong ngayon ay: Anong uri ng batas ang dapat kilalanin ng kalooban ng isang tao upang
magbunga ng pagtatalo sa kanyang mga sariling hilig? At dito makikita natin na
napakalohikal ng sagot ni Kant. Una sa lahat, nakita natin sa ikalawang bahagi na ang mga
batas na maaaring gawin ng katwiran para sundin ng kalooban ay maaaring pansarili lamang o
panlahatan din. Ngayon, kung ang batas na kikilalanin ng kalooban ay pansarili lamang, ito ay
hindi magbubunga ng pagtatalo sa mga sariling hilig, dahil napakalinaw na pareho silang
pansarili. Dahil dito, lohikal lamang na sabihin na ang uri lamang ng batas na magbubunga ng
pagtatalo o hadlang sa mga pansariling hilig ay yaong panlahatan din.
Ating itanong naman ngayon kung ano ang batayan para sabihin natin na maaaring
mahangad o hindi na maging isang panlahatang batas ang pansariling prinsipyo ng isang kilos
o hangaring kumilos. O kaya naman, ano ang makakapigil para sa isang tao na hangaring
12 Kant (1952d: 366): ”The notion of duty is in itself already the notion of a constraint of the free elcetive will by the law.” 13 Kant (1952d: 373): ”All duties involve a notion of necessitation by the law....” 14 Kant (1952d: 366): ”The impulses of nature, then, contain hindrances to the fulfillment of duty in the mind of man....” 15 Kant (1952d: 373): “... and ethical duties involve a necessitation for which only an internal legislation is possible....” 16 O sadyang tumutugon sa mga pansariling pangangailangan na sa pangkalahatan ay ang pagkamit ng kaligayahan (tingnan ang akda ni Kant 1952a: 385).
16
maging isang panlahatang batas ang kanyang pansariling prinsipyo na malinaw namang
masama, tulad halimbawa ng pagpatay sa mga taong hindi natin makasundo? Batay sa mga
paliwanag ni Kant sa mga halimbawang kanyang ibinigay, lumalabas na ang batayan kung
ang isang pansariling prinsipyo ay maaaring hangaring maging isang panlahatang batas o
hindi ay ang pagbunga ng isang kontradiksyon sa kahihinatnang batas. Ang kontradisyong ito
ay tumutukoy sa pagwawalang saysay sa pagsunod sa kahihinatnang batas. Ating ipaliwanag
ito sa pamamagitan ng dalawang halimbawa ni Kant: ang mga hangaring magpakamatay at
hindi tumupad sa pangakong ginawa.
Sa unang halimbawa ni Kant, ipinaliwanag niya na hindi puwedeng hangarin na
maging isang panlahatang batas ang pansariling prinsipyo na "Dahil sa pagmamahal sa sarili,
dapat magpakamatay kung ang pagpapahaba ng buhay ay malamang na magdudulot lamang
ng kahirapan kaysa kasiyahan." Ito ay dahil sa kapag ito ay naging isang panlahatang batas,
mawawalan ng saysay ang pagpapahaba ng buhay o di-pagpapakamatay sa harap ng
kahirapan dahil sa pagmamahal sa sarili—dahil na nga sa ang pagmamahal sa sarili ang
naging dahilan sa pagpapakamatay sa naging panlahatang batas at hindi maaaring pareho ang
dahilan sa dalawang magkasalungat na kilos (ibig sabihin, hindi maaari na ang
pagpapakamatay at di-pagpapakamatay sa harap ng kahirapan ay pareho ang prinsipyo—ang
pagmamahal sa sarili—dahil isa itong kontradiksyon). At kung gayon, mas mabuti pang
magpakamatay na lang tayong lahat. Subali’t kung ito ang kahihinatnan ng hinangad na
panlahatang batas, wala na ring saysay ang batas na ito. Ano pa ang saysay ng batas na ito
kung ang lahat ng tao ay magpapakamatay na rin lang naman?
Sa pangalawang halimbawa naman, ipinaliwanag ni Kant kung bakit hindi puwedeng
hangarin na maging isang panlahatang batas ang pansariling prinsipyo na: "Kung kailangan
17
ko ng pera, manghihiram ako ng pera at mangangako na babayaran ko ito, kahit alam ko na
hindi ko kayang bayaran ito." Hindi puwede itong gawing panlahatang batas dahil, ayon kay
Kant, sa batas na ito, wala nang saysay naman ang gumawa ng pangako, at kung gayon, wala
na ring saysay ang batas na ito. Kung gagawin nating panlahatang batas ang prinsipyong ito,
wala nang tatanggap ng mga pangako. Bakit ako tatanggap ng isang pangako sa isang tao
kung hindi naman siya obligadong tuparin ang pangako niya? At kung wala nang tatanggap
ng mga pangako, ano pa ang saysay ng paggawa ng mga pangako? At kung ganito, para saan
pa yung panlahatang batas na iyon?
Bukod sa mga halimbawa ni Kant, magbigay pa tayo ng isa pang halimbawa.
Ipagpalagay natin na ang isang estudyante ay hindi nakapag-aral para sa kanyang pagsusulit,
kaya sinabi niya sa sarili niya, “Kailangan kong pumasa sa pagsusulit na ito kahit hindi ako
nakapag-aral, kaya mangongopya na lang ako.” Halimbawa, gawin natin itong isang
panlahatang batas: “Kung hindi nakapag-aral at kailangang pumasa sa isang pagsusulit,
mangopya.” Ngayon, isipin natin ang isang mundo kung saan ito nga ang batas na umiiral, at
ating itanong: sa mundong ito, may saysay pa ba ang pagkuha ng pagsusulit? Ang saysay ng
pagsusulit ay upang masukat ang natutunan ng mga estudyante, kaya kung mangongopya na
lamang ang mga estudyante sa pagsusulit (dahil malamang hindi na rin sila mag-aaral dahil
pinahihintulutan naman ng batas na mangopya kung hindi sila nakapag-aral, at kung mag-
aaral ka naman lugi ka sa mga hindi nag-aaral dahil sila pwedeng mangopya samantala ikaw
hindi), ano pa ang saysay ng pagkuha ng pagsusulit? At kung wala nang saysay ang pagkuha
ng pagsusulit, para saan pa yung panlahatang batas na iyon?
Suriin naman natin ngayon ang Pormula ng Paggalang sa Tao. Ayon muli sa
pormulang ito, ang kalooban ng isang tao ay mabuti kung itinuturing niya ang tao, na
18
maaaring sa kanyang sariling katauhan o sa katauhan ng kanyang kapwa, na hindi sa paraang
ginagamit lamang, sa halip ay palaging sa paraang ginagalang din. Sa pagtalakay ng
pormulang ito, gusto kong sagutin ang mga sumusunod na katanungan: una: ano ang ibig
sabihin ng katagang “tao sa sarili nating katauhan at sa katauhan ng ating kapwa”?; at
ikalawa: kailan natin masasabi na ginagalang at ginagamit natin ang tao?
Sa aking pag-unawa, sa “tao sa sarili nating katauhan o sa katauhan ng ating kapwa”,
gusto lamang bigyan ng diin ni Kant na ang ating pakikitungo sa sino mang tao, na kasama
ang ating sarili, ay tanda ng ating pagpapahalaga sa tao. Karugdong nito, kung ating
pinagpapahalagahan ang tao, dapat nating pagpahalagahan ang sino mang taong ating
pinakikitunguhan. Hindi maaari na magkaiba ang halagang ating ibinibigay sa ating
pakikitungo sa iba’t ibang tao, dahil ito ay mangangahulugan na iba’t iba rin ang halagang
ibinibigay natin sa tao. Kung kaya, kung may paggalang ka sa tao, kailangang may paggalang
ka sa sino mang tao—ano pa man ang lugar ng taong ito sa lipunan, kaibigan man siya o
kaaway, nakapagdulot man siya ng kaligayahan o kahirapan sa iyo o sa ibang tao. Marahil,
isang madaliang reaksyon dito ay mukhang napakahirap gawin ito. Madaling galangin ang tao
sa sarili nating katauhan at sa katauhan ng mga taong minamahal natin, nguni’t ito ay mahirap
gawin sa katauhan ng ating mga kaaway. Subali’t ang punto ni Kant dito ay kung ginagalang
mo ang tao sa katauhan ng iyong kaibigan, ang iyong paggalang sa iyong kaibigan ay hindi
dapat sa antas ng pagiging kaibigan niya, kundi sa antas ng kanyang pagiging tao. At kung
ginagalang mo ang iyong kaibigan hindi dahil siya ay kaibigan kundi dahil siya ay iyong
kapwa-tao, walang dahilan para hindi mo rin galangin ang iyong kaaway—dahil siya ay tao
rin.
19
Nguni’t paano natin malalaman na ginagalang natin ang tao? Sa mas partikular na
pananalita, paano natin malalaman na ginagalang natin ang tao sa sarili nating katauhan at sa
katauhan ng ibang-tao? Sa kasamaang palad, hindi malinaw si Kant sa puntong ito sa
Fundamental Principles of the Metaphysics of Morals (1987) nguni’t ito naman ay maaring
bigyan ng linaw ng isa pa niyang akda, ang Preface to the Metaphysical Elements of Ethics
(1952: 365-394), kung saan ipinaliwang niya ang pagkakaiba ng ating tungkulin sa ating sarili
at ang ating tungkulin sa ibang tao. At ayon sa interpretasyon ni John Atwell (1986: 107),
isang iskolar kay Kant, ang ating paggalang sa tao sa sarili nating katauhan ay katumbas ng
pagtupad ng tungkulin natin sa ating sarili, at ang ating paggalang naman sa tao sa katauhan
ng iba ay katumbas ng pagtupad ng ating tungkulin sa ibang tao. Sa aking pananaw, ito ay
hindi malayong interpretasyon dahil ayon na rin kay Kant ang mga konsepto ng paggalang at
tungkulin ay nakapaloob sa bawa’t isa sa mga ito.
Ngayon, ayon kay Kant, ang ating tungkulin sa ating sarili, sa isang banda, ay ang
kaganapan ng ating kalikasan (“perfection of nature”), na walang iba kundi ang paghahasa ng
ating mga kakayahang pangkatwiran at pang-etika, at ang tungkulin naman natin sa ibang tao,
sa kabilang banda, ay ang pagsulong ng kanilang kaligayahan.17 Batay dito, ang ating
paggalang sa tao sa sarili nating katauhan ay ang kaganapan ng ating kalikasan, samantala ang
paggalang naman natin sa tao sa katauhan ng ibang tao ay ang pagsulong ng kanilang
kaligayahan. Ngayon, bagama’t ang tungkulin natin sa ating sarili ay hindi ang pagsulong ng
ating kaligayahan, sa halip ay ang pagsulong ng kaganapan ng ating kalikasan, ang pagsulong
ng nasabing kaganapan ay nangangahulugan naman ng ating pagiging karapat-dapat na
lumigaya. Ito ang dahilan kung kaya sinabi ni Kant na ang moralidad, sa katunayan, ay isang
17 Kant (1952d: 369): “What are the Ends which are also Duties? They are: A. Our own PERFECTION, B. HAPPINESS OF OTHERS. We cannot invert these and make on one side our own happiness, and on the other the perfection of others, ends which should be in themselves duties for the same person.”
20
doktrina tungkol sa makatuwiran o rasyonal na paraan kung paano tayo magiging karapat-
dapat na lumigaya, at hindi sa kung paano natin makakamit ang kaligayahan.18
Atin namang puntahan ang tanong na kung kailan pawang ginagamit lang ang tao.
Batay sa ating paliwanag tungkol sa kung kailan ginagalang ang tao, ang tao, sa sarili nating
katauhan o sa katauhan ng iba, ay pawang ginagamit lamang kung ang pinakadahilan ng ating
pakikitungo dito ay ang promosyon ng sarili nating kaligayahan. Ang ganitong pamamaraan
ng pakikitungo ay akma lamang sa mga bagay na pangkagamitan o pangkasangkapan, nguni’t
hindi sa tao. Ang halimbawa ni Kant tungkol sa hindi paggalang sa tao sa sarili nating
katauhan ay ang pagpapakamatay. Kung ang isang tao ay gustong magpakamatay upang
umiwas sa mga masasakit na sitwasyon ng kanyang buhay, ginagamit lamang niya ang tao sa
kanyang katauhan. At tungkol naman sa ating hindi paggalang sa tao sa katauhan ng iba, ang
halimbawa ni Kant ay ang hindi natin pagtupad sa ating pangako sa ibang tao. Dito iniisip
lang natin ang ating sariling kaligayahan, kaya ginagamit lang natin ang tao sa katauhan ng
iba.
Ang isang kontrobersyal na palagay ng Pormula ng Paggalang sa Tao ni Kant ay ang
paniniwala nito na sadyang hindi maiiwasan na gamitin ang tao; ibig sabihin, bagama’t
ginagalang natin ang isang tao, ginagamit pa rin natin siya. Ito ay nangangahulugan na ang
pagtatalo ay hindi sa pagitan ng paggalang sa tao at sa paggamit sa tao, sa halip ay sa pagitan
ng paggamit lamang sa tao at sa paggamit sa tao kasabay ng paggalang din sa kanya. Sa aking
palagay, ito ay bunga na rin ng pag-iiba ni Kant, sa isang banda, sa tao sa sarili nating
18 Kant (1952b: 347): ”Hence also morality is not properly the doctrine how we should make ourselves happy, but how we should become worthy of happiness.” “Now it follows from this that morality should never be treated as a doctrine of happiness. that is, an instruction how to become happy; for it has to do simply with the rational condition of happiness, not with the means of attaining it.”
21
katauhan, at sa kabilang banda, sa tao sa katauhan ng iba, at ng relasyon ng pag-iibang ito sa
pagtupad sa tungkulin. Halimbawa, kung tinupad ko ang aking pangako kay Juan bilang
pagtupad ko sa sarili kong tungkulin, ginamit ko ang tao sa katauhan ni Juan, bagama’t
ginalang ko ang tao sa sarili kong katauhan. O kaya, kung tinupad ko aking pangako kay Juan
bilang pagtupad ko sa aking tungkulin sa kanya, ginamit ko ang tao sa sarili kong katauhan,
bagama’t ginalang ko ang tao sa katauhan ni Juan. Ngayon, maaaring itanong kung posible na
sa proseso ng pagtupad ko sa aking pangako kay Juan ay sabay kong tinutupad ang tungkulin
ko sa aking sarili at ang tungkulin ko kay Juan. Kung ito ay posible, magiging posible rin na
sa ating paggalang sa tao hindi na natin ito ginagamit. Nguni’t mukhang hindi ito posible kay
Kant dahil na nga sa sinasaad ng Pormula sa Paggalang sa Tao na sadyang hindi maiiwasan
ang paggamit ng tao bagama’t ginagalang na ito.
ANG IMPERATIBONG KATEGORIKAL
Siyasatin natin ngayon kung paano tinitingnan ni Kant ang iba pang mga pananaw sa
tanong tungol sa kung ano ang sukdulang prinsipyo ng moralidad. Kaugnay nito, dalawang
pananaw ang tinalakay ni Kant: ang pananaw na ang ginagawang batayan ng mga batas o
prinsipyo ng moralidad ay ang mga hilig ng ating mga panamdam ("inclinations of our
senses") at ang pananaw na ang ginagawang batayan naman ng mga batas o prinsipyo ng
moralidad ay ang ang kalooban ng Diyos. Maaari nating tawagin ang unang pananaw bilang
hedonismong panamaw—dahil para sa pananaw na ito ang pagpapahigit sa pisikal na
kasiyahan o kasiyahan ng mga pandama ang itinuturing na sukdulang prinsipyo ng etika—at
ang panglawang pananaw naman bilang relihiyosong pananaw. Samantala, ang pananaw
naman ni Kant ay maaari nating tawagin rasyonal na pananaw, dahil sa ang itinuturing ni
22
Kant na batayan ng mga batas ng moralidad ay ang panlahatang diwa ng ating katwiran—na
tinalakay natin sa ikalawang bahagi. Pinag-iba ni Kant ang kanyang pananaw sa iba pang mga
pananaw na nabanggit sa pamamagitan ng kung anong uri ng imperatibo ang taglay ng batas
na hango sa kanila. Sa pangkalahatan, ang imperatibo ay tumutukoy sa pagka-dapat
(“oughtness”) ng mga prinsipyo o batas. Ito ay ang puwersa ng mga prinsipyo sa tao upang
galangin o tanawing tungkulin ng tao ang pagsunod sa mga prinsipyong ito.
Ang isang imperatibo, ayon sa pagsusuri ni Kant, ay maaaring kategorikal o
kondisyonal, depende sa kung ano ang dahilan sa pagsunod sa isang prinsipyo. At sa
pananaw ni Kant, ang imperatibong taglay ng isang prinsipyo ay kondisyonal kung ang ating
dahilan sa pagsunod sa prinsipyong ito ay upang makamit natin ang kahihinatnan ng
pagsunod sa nasabing prinsipyo. Halimbawa, ang prinsipyo na dapat tayong mag-aral ay may
imperatibong kondisyonal kung ang dahilan natin para sundin ito ay upang makamit natin ang
mga bunga ng pag-aaral, halimbawa, upang makakuha tayo ng magandang trabaho.
Samantala, ang imperatibong taglay naman ng isang prinsipyo ay kategorikal kung ang ating
dahilan sa pagsunod sa prinsipyong ito ay upang igalang ang diwa ng nasabing prinsipyo.
Halimbawa, ang prinsipyo na dapat tayong tumayo kapag pinatutugtog o inaawit ang ating
pambansang awit ay may taglay na imperatibong kategorikal kung ang dahilan ng ating
pagsunod sa prinsipyong ito ay upang igalang ang ating pambansang awit o ang diwa nito.
Ngayon, ayon kay Kant, ang imperatibong taglay ng mga batas sa loob ng kanyang rasyonal
na pananaw sa moralidad ay kategorikal, at ang imperatibo namang taglay ng mga batas sa
loob ng mga hedonismong at relihiyosong pananaw ay kondisyonal. Ating ipaliwanag ito sa
sumusunod na diskusyon.
23
Ang mga hilig ng pandama ay pumapailalim sa nabanggit kanina na mga natural na
hilig ng tao, na sadyang pansirili—ibig sabihin, sadyang nakatuon sa pagkamit ng pansariling
kaligayahan. Dahil dito, ang imperatibo ng mga batas na hango sa hilig ng pandama ay
kondisyonal dahil ang puwersa ng mga batas na ito sa atin upang tanawin nating tungkulin
ang pagsunod sa mga batas na ito ay ang kaligayahang makakamit natin sa ating pagsunod sa
mga batas na ito, na isang uri ng kahihinatnan. Tulad ng mga batas na hango sa hilig ng mga
pandama, ang imperatibo ng mga batas naman na hango sa kalooban ng Diyos ay itinuturing
din ni Kant na kondisyonal. Ito ay dahil bilang mga batas na hindi gawa ng tao, ang
pagtanggap ng tao sa mga batas na gawa ng Diyos ay nakasalalay rin sa mga kahihinatnan ng
pagtanggap na ito, halimbawa ang makaiwas sa walang-hanggang kaparusahan o kaya naman
ay ang makamit ang walang-hanggang kaligayahan.19
Malinaw na ang rasyonalismong pananaw ni Kant ay salungat sa mga hedonismong
pananaw sa etika, na kinabibilangan ng mga pananaw sa etika na ang sinusulong na sukdulang
prinsipyo ng etika ay may kinalaman sa kasiyahang maibibigay ng mga hilig ng mga
pandama. Nguni’t, para naman sa relihiyosong pananaw, bagama’t itinuring ni Kant ang
imperatibong taglay ng mga batas sa relihiyosong pananaw bilang kondisyonal, sinabi niya rin
na dapat nating ituring ang mga batas na hango sa katwiran na para bagang mga utos ng
Diyos. Bukod dito, ang pag-iiral ng Diyos at ang walang-hanggang pag-iiral ng kaluluwa ng
tao, kasama ng kalayaan ng kalooban ng tao ay itinuturing ni Kant na mga lohikal na
19 Ito rin ang interpretasyon ni George A. Schrader (1969: 121): “It is evident that the divine imperative must be regarded as hypothetical primarily because its validity depends upon our volition. No matter what a possible divine being might decree, so Kant argues in effect, it could not give its commands the force of law for our will. Thus, either God’s commandments take effect independently of human volition and, hence, are natural than moral ordinances, or they depend for their validity upon human assent. In the former case they are not properly to be regarded as imperatives, and in the latter case, they are clearly hypothetical. Or so Kant reasoned.”
24
kailangang palagay para sa posibilidad ng moralidad.20 Sa pangkalahatan, ang ibig sabihin
nito ay bagama’t ang batayan ng rasyonalismong pananaw ni Kant para sa sukdulang
prinsipyo ng etika ay ang katwiran ng tao, sinasabi rin ng pananaw na ito na possible lamang
ang moralidad, at samakatuwid possible lamang ang rasyonalismong pananaw niya sa etika,
sa paniniwala na may Diyos, may kaluluwa immortal ang tao, at malaya ang kalooban ng tao.
Ang mga pahayag na ito ay nagbubunga ng kaguluhan sa talagang pananaw ni Kant tungkol
sa relihiyosong pananaw. Ano pa man, mahihinuha natin na para kay Kant hindi kailangang
magkasalungat ang diwa ng kanyang rasyonal na pananaw at ng relihiyosong pananaw, o ng
mga prinsipyong hango sa katwiran at ng mga prinsipyong hango sa kalooban ng Diyos,
bagama’t magkaiba ang puwersa nila sa atin upang tanawin nating tungkulin ang pagsunod sa
mga prinsipyong hango sa kanila. Ito ay nangangahulugan na ang mga batas na naaayon sa
kalooban ng Diyos ay mga batas din na panlahatan at gumagalang sa tao sa katauhan ng
bawat tao. At ang mabuting kalooban ay ang kaloobang kumikilos nang naaayon sa mga batas
o prinsipyo na may mga ganitong katangian.
KONKLUSYON
Sa kabuuan, makikita natin sa ating imbestigasyon na lohikal ang pagkaka-ugnay-
ugnay ng mga argumento ni Kant para sa kanyang palagay tungkol sa sukdulang prinsipyo ng
etika at pagsusuri sa kung kalian nagiging mabuti ang isang kalooban. Sa unang bahagi,
nakita natin ang pangangatuwiran ni Kant na dahil sa ang taglay na kabutihan ng mabuting
kalooban ay likas, ang kabutihan ng kalooban ay walang kinalaman sa mga konsiderasyon na
labas sa kalooban, tulad halimbawa ng mga kahihinatnan ng mga kilos. Kung ganito, ang
kabutihan ng kalooban ay may kinalaman lamang sa kalikasan ng kalooban, at ito naman ang
20 Ito ay tinalakay niya sa Critique of Practical Reason (1952a).
25
ating sinasayasat sa ikalawang bahagi. At ayon sa ating pagsisiyasat, ang kalooban ng tao, sa
pananaw ni Kant, ay ang praktikal na aspeto ng katwiran na tumutukoy sa kakayahan ng tao
na kumilos nang naaayon sa kanyang mga kinikilalang prinsipyo o batas. Samantala, ang
karaniwang tinatawag na katwiran naman ay ang teoretikal na aspeto ng katwiran na
tumutukoy sa ating kakayahan na gumawa ng mga batas na maaaring naaayon sa unibersal na
kalikasan ng katwiran. At sa ikatlong bahagi, nakita natin na ang mga palagay na ito ang
siyang naging batayan ni Kant upang isulong ang sa tingin niya ay ang sukdulang prinsipyo
ng etika o moralidad. Bagama't sa dalawang pangunahing paraan o pormula niya ito
ipinahayag, iisa lamang ang diwa ng mga ito: ang isang kalooban ay mabuti kung ang
prinsipyong sinusunod nito sa pagkilos ay likha ng sarili niyang katwiran at naaayon sa
panlahatang anyo ng katwiran—na ang ibig sabihin ay ang prinsipyong nilikha ng sariling
katwiran ay para sa buong sangkatauhan at ginagalang ang tao sa katauhan ng bawat tao. At
sa huling bahagi, nakita natin kung paano naiba ang rasyonalismong pananaw ni Kant sa mga
hedonismo at relihiyosong pananaw sa punto ng uri ng imperatibong taglay ng mga prinsipyo
o batas na hango sa katwiran, hilig ng mga pandama, at kalooban ng Diyos. At sa ating
pagsusuri, nakita natin na bagama’t may ganitong pagkakaiba, sa aspeto naman ng diwa ng
mga prinsipyo o batas, itinuturing ni Kant na salungat ang kanyang rasyonalismong pananaw
sa hedonismong pananaw at hindi naman sa relihiyosong pananaw.
26
SANGGUNIAN:
Atwell, John C. 1986. Ends and principles in Kant’s moral thought. Dordrecht: Martinus
Nijhoff Publishers.
Hutchins, Robert Maynard, ed. 1952. Great books of the western world, Colorado:
Encyclopedia Britannica, Inc.
Kant, Immanuel. 1987. Fundamental principles of the metaphysic of morals. Translated by: T.
K. Abbott. New York: Prometheus Books.
_____________. 1952a. Critique of practical reason. In Great books of the western world.
Edited by: Robert Maynard Hutchins, Colorado: Encyclopedia Britannica, Inc.
_____________. 1952b. Critique of pure reason. In Great books of the western world. Edited
by: Robert Maynard Hutchins, Colorado: Encyclopedia Britannica, Inc.
_____________ . 1952c. General introduction to the metaphysics of morals. In Great books
of the western world. Edited by: Robert Maynard Hutchins, Colorado: Encyclopedia
Britannica, Inc.
_____________. 1952d. Preface to the metaphysical elements of ethics. In Great books of the
western world. Edited by: Robert Maynard Hutchins, Colorado: Encyclopedia
Britannica, Inc.
Paton, H. J. 1948. The categorical imperative: A Study in Kant’s moral principle. Chicago:
The University of Chicago Press.
Schrader, George A. 1969. Autonomy, heretonomy, and moral imperatives. In Foundations of
the metaphysics of morals: Text and critcal essays. Edited by: Robert Paul Wolff.
Idianapolis: Bobbs-Merrill Educational Publishing.